Ginang Courtesy of Bacoor PNP

‘MRS’ PINATAY, SINILID SA DRUM NG ‘MISTER’ NA KANO

May 10, 2023 Dennis Abrina 411 views

ISANG ginang ang natagpuang patay, nakasilid sa garbage bag at nakatago sa asul na drum Martes sa Cavite.

Dakong 1:30 p.m. kahapon nang madiskubre ang katawan ng biktimang si Mila Loslos, 48, sa bahay nito sa Lot 7, B2, Santero Subdivision., Brgy. Habay 1 na nasa loob ng drum at nakasilid sa isang garbage bag na may duct tape.

Naaresto ang suspek na ka-live in ng biktima na si William Thomas Worth, 71, American citizen, naninirahan rin sa naturang subdivision.

Base sa inisyal na ulat mula kay Cavite Provincial Director Police Colonel Christopher Olazo, nagpunta sa Bacoor Police ang anak ng biktima na si Nino Jay Loslos, 21, residente ng CAA Las Pinas at iniulat na nuon pang Mayo 5 huli niyang nakita ang ina.

Pinayuhan naman umano ng mga pulis na tanungin muna ang kinakasama ng biktima sa bahay na agad namang ginawa ni Nino Jay.

Nadatnan umano ng anak ang suspek sa bahay pero nang tanungin nito kung saan ang kaniyang ina ay sinabing hindi nito alam.

Ngunit naghinala si Nino Jay nang may maamoy na nakasusulasok sa loob ng bahay kaya agad na bumalik ng istasyon ng pulisya upang humingi ng tulong kaya sinamahan na ng mga awtoridad.

Dito na nadiskubre ang krimen kung saan kabilang sa mga narekober ng Cavite Provincial Forensic Unit ang tatlong kutsilyo at nylon rope.

Napansin din ng mga awtoridad na may mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek kaya naniniwala ang pulisya na nakapanlaban pa ang biktima bago mapatay.

Hindi pa tiyak ang sanhi ng kinamatay ng biktima at isasailalim ang mga labi ito sa awtopsiya.

Selos ang sinasabing pangunahing anggulong tinututukan ng pulisya sa insdente. Nakatakda nang sampahan ng kaukulang kaso ang ngayo’y nakakulong na suspek at makikipag-ugnayan din umano sila sa US Embassy ukol sa nasabing insidente.

AUTHOR PROFILE