Dizon Hinihikayat ni MPD chief Andre P. Dizon ang publiko na palakasin ang ugnayan sa kapulisan ng Maynila kontra kriminalidad at mga masasamang elemento sa lungsod. Kuha ni JON-JON REYES

MPD Report: Higit 500 nahuli sa mga paglabag sa Maynila

May 8, 2023 Jonjon Reyes 667 views

HALOS umabot sa mahigit 500 indibidwal ang naaresto ng mga kapulisan ng Maynila mula sa iba’t-ibang kaso at paglabag sa mga city ordinance sa loob lamang ng 24 oras ayon kay Police Major Philipp Ines, ng Public Informtion Office (PIO) at sinabing natimbog ang mga ito sa loob lamang ng isang araw mula sa 14 na istasyon ng Manila Police District (MPD) sa Lungsod ng Maynila.

Ayon naman kay “The Game Changer General” MPD Director P/BGen. Andre P. Dizon, ito ay kabilang sa kanilang programang “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations” (SACLEO) at “Oplan Galugad” at umabot sa 559 na mga personalidad sa “One-Day Operation Accomplishment” ng MPD at kabilang dito ay ang mga lumalabag sa mga alituntunin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Sinimulan ang operasyon nitong Mayo 7 hanggang 8, ng ika-6 ng umaga at kabilang ang kampanya kontra iligal na droga, iligal na sugal, at mga ordinansa ng lungsod ang naitala lamang sa loob ng isang araw.

Sa anti-illegal drugs operation, nagresulta sa pagkaaresto ng 3 suspek at nasamsam naman sa mga ito ang aabot sa tatlong gramo ng shabu na may halagang tinatayang aabot sa P20,400.

Gayundin sa pamunuan ng MPD Barbosa Police Station (PS) 14, kung saan nadakip nila ang mga pinaghihinalaang mga snatcher at salisi na bumibiktima ng mga estudyante at motorista sa lugar ng Sampaloc at Quiapo.

Sa operasyon kontra sa mga ipinagbabawal na sugal, naital sa tatlong operasyon ang pag-aresto ang 15 suspek at pagrekober sa kabuuang P1,729 na salaping ginamit na pantaya sa sugal.

Sa “Other incident/crime” report ng MPD, naaresto ang 559 mga suspek na pasaway sa mga lokal na ordinansa ng Lungsod ng Maynila gaya ng hindi pagsusuot ng pang-itaas na damit, paninigarilyo sa pampublikong lugar, curfew, pag-inom sa labas o kalsada, batas-trapiko, at obstruction.

Sinabi pa ni Dizon na ang mga kapulisan ng lungsod ay tatalima sa direktiba ni NCRPO director P/Maj. Edgar Allan Okubo at maging sa program ani PNP chief Benjamin Acorda Jr.

AUTHOR PROFILE