Default Thumbnail

Mayor Honey nanawagang bisitahin Arroceros Forest Park

May 8, 2023 Edd Reyes 147 views

NANAWAGAN si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) na tulungan ang Parks Development Office (PDO) na mapaalis ang mga street dwellers at vendors na ginagawang tahanan ang mga center island at parke sa Lungsod ng Maynila at bigyan sila at kanilang pamilya ng pansamantalang lugar na kanilang matutuluyan.

Ang panawagan ng alkalde ay kanyang ginawa sa palagiang pagsasagawa ng pagpupugay sa watawat ng Pilipinas tuwing Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan kung saan tumayo bilang punong-abala ang PDO na naglahad ng kanilang mga ginagawang tungkulin para mapanatiling maganda, maayos, malinis at luntian ang mga parke at center island.

Hindi kaila sa alkalde ang hirap ng pagmimintina ngayon ng mga parke at center island dahil sa sobrang init ng panahon, at idagdag pa rito ang ginagawa ng mga street dwellers at vendors na gawin itong tirahan.

“Napakalaking challenge po sa kanila (PDO) ang ginagawa nila ngayon dahil kahit ano po ang gawin nilang pagtatanim, sadya pong hindi maiwasan na magkamatayan ang mga halaman sa sobrang init. Isa rin pong challenge sa kanila na mapanatili, lalo na ang ating mga center island, na wala po sanang mga naninirahang mga street dwellers at vendors,” pahayag ng alkalde.

Sinegundahan din ng alkalde ang panawagan ni PDO Director Giovanni Evangelista sa publiko na puntahan at bisitahin ang Arroceros Forest Park na nasa likuran lamang ng Metropolitan Theater upang makita at maranasan ang kagandahan ng naturang parke.

Ayon sa alkalde, napakaganda na ngayon ng Arroceros Forest Park at makakaranas na ang mga bibisita rito ng higit pang malilim na lugar dahil sa dami ng mga puno bagama’t may mga panuntunan din na kailangang sundin.

“Marami na pong wildlife doon, marami na pong mga ibon na kasama po nating pino-proteksiyunan kaya nga kung kasama ang inyong mga pamilya, sana po, huwag nyong gambalain ang atin pong mga hayop o ibon na naroon. Huwag niyo pong huhulihin, hindi po ito iniuuwi sa bahay,” paalala pa ng alkalde sa publiko.

Sabi pa ni Mayor Honey, ang Arroceros Forest Park ay ikinokonsidera bilang “last love” ng Maynila kaya’t sa mga darating pa aniyang taon ay naisin niyang mas marami pang mga luntiang lugar sa lungsod. “Kaya hinihikayat ko po ang lahat na makisama sa ating gagawing tree planting bilang pagdiriwang na rin sa Araw ng Maynila,” pahayag pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE