MPD iniimbestigahan ang pamimigay ng laruan, school supplies sa Sta. Mesa

December 12, 2022 Jonjon Reyes 128 views

PATULOY ang ginagawang pag-iimbestiga ng mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) sa diumano’y mga miyembro ng makakaliwang grupo matapos magsagawa ang mga ito ng pamamahagi ng mga laruan at school supplies sa Valencia Strett, Sta. Mesa sa Lungsond ng Maynila, Linggo ng umaga.

Agad naman rumesponde ang mga tauhan ng MPD Sta. Mesa Police Station sa Barangay 636 sa nasabing lugar sa Sampaloc.

Ayon kay P/Lt. Col. Dionelle Brannon, station commander ng Sta. Mesa Police Station 8, pasado alas 9:35 ng umaga (Disyembre 11), nang magsimulang mamigay ng laruan at mga gamit pang-eskuwela ang sinasabing mga miyembro ng isang non-governmental organization (NGO) habang nakamasid si Eulie Abellar, chairwoman sa Bgy. 636.

Ayon kay Brannon, “Wala kasing koordinasyon sa amin na magkakaroon ng event na mamimigay sila ng mga gamit [para sa] eskuwela at mga laruan sa mga bata… nabalitaan ko na lang na isinara nila ang bahagi ng Valencia St. kaya agad akong nagparesponde sa aking mga tauhan para bigyan ng seguridad ang mga tao.”

Hindi naman nila pinigil ang distribusyon ng mga nasabing gamit at laruan hanggang sa matapos ang aktibidad.

Nabatid pa na pawang mga kabataan ang mga nag-aasiste sa mga tao sa nasabing lugar.

Bagama’t sinabihan umano sila na huwag na umanong tumulong sa pamamahagi, nanindigan pa rin umano na bantayan sila.

AUTHOR PROFILE