Default Thumbnail

Miyembro ng Marines sugatan sa pamamaril sa Zambo City

November 30, 2022 Zaida I. Delos Reyes 267 views

SUGATAN ang isang miyembro ng Philippine Marines makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek habang bumibili ng pagkain sa labas ng isang motel sa Zamboanga City.

Ang biktima ay residente ng Misamis Occidental, miyembro ng Philippine Marines at nakatalaga sa H311MC, RT Lim Boulevard, Cawa-Cawa, Zamboanga City.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong 1:30 ng hapon sa San Jose Road, Barangay Baliwasan sa nasabing lungsod.

Lumabas umano ang biktima mula sa isang motel na matatagpuan sa Caneral Moret upang bumili ng pagkain.

Gayunman, habang bumibili ng pagkain ay pinaulanan siya ng bala ng dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek, habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo mg bala at tatlong deformed slugs ng kalibre .45 pistol.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.