MissU Larawan: Miss Universe/FB

Miss Universe Nicaragua nat’l director Karen Celebertti nagbitiw

December 14, 2023 People's Tonight 133 views

ANG direktor ng Miss Universe Nicaragua na si Karen Celebertti ay nagbitiw sa kanyang puwesto ilang linggo matapos ang tagumpay ng Nicaraguan beauty queen na si Sheynnis Palacios sa 72nd Miss Universe.

Sa isang Facebook post noong Miyerkules, Disyembre 13, kinumpirma ng Miss Universe Organization ang pagbibitiw ni Celebertti bilang national director ng Nicaragua kamakailan lamang.

Ayon sa pahayag ng organisasyon sa kanilang post, pinuri nila ang pagpapakita ng labis na dedikasyon ni Karen at ng kanyang koponan sa paghahatid ng kahanga-hangang pageant.

Inilahad din nila ang hangarin ni Celebertti na ipagdiwang ang unang pandaigdigang tagumpay ng Nicaragua sa Miss Universe nang walang bahid ng pulitika o rehiyonal na pagkakaiba-iba.

Tinukoy din ng organisasyon ang kahalagahan ni Sheynnis Palacios bilang isang natatanging babae, at ikinatuwa nila na maituturing siyang kanilang Miss Universe 2023.

Dagdag pa ng organisasyon, sa kasalukuyan ay wala pang bagong franchise partner mula sa Nicaragua. Ang kanilang hangarin ay magkaroon ng mapayapang solusyon sa mga isyu na isinampa ng bansang Nicaragua, kasama na ang kaligtasan ng lahat ng sangkot sa organisasyon.

Umaasa rin sila na magkakaisa ang bansa sa pagsuporta kay Sheynnis at Karen habang sila ay nagsusulong ng kinabukasan na pinangungunahan ng mga kababaihan, pati na rin sa pagdiriwang ng magandang kultura at mga tao ng Nicaragua.

AUTHOR PROFILE