Default Thumbnail

Mga taga-Taguig humingi ng saklolo

February 26, 2022 Edd Reyes 328 views

AABOT sa halos 5,000 residente ng Sitio Kaunlaran ng Western Bicutan, Taguig City na sumusuporta sa kandidatura ni Vice Presidential aspirant Sara Duterte-Carpio ang nanawagan sa alkade ng lungsod ng Davao na tulungan silang huwag mapaalis sa lupa na kanilang tinitirahan.

Ayon kay Cenon de Galicia, Pangulo ng “Kaisahan ng mga Sundalo at Sibilyan” na 35-taon ng naninirahan sa naturang lugar matapos na mai-award sa kanila noong 1965 ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ang lupang kinatatayuan ng kanilang tahanan, ilegal umano ang ginagawang pagpapalayas sa kanila.

Dagdag pa ni De Galicia humingi na rin sila ng tulong kay Taguig Mayor Lino Cayetano at hinihintay na lamang nila ang magiging tugon sa kanilang liham sa alkalde.

Kabilang aniya sa mga panggigipit na kanilang dinaranas ay ang hindi umano pagbibigay ng pahintulot na makapasok sa kanilang lugar ang linya ng tubig, kuryente at maging ang mga internet provider na labis na nagpapahirap sa kanilang mga anak na nag aaral sa online class habang apektado rin ang mga residente na work from home dahil sa pandemya.

Dagdag pa ng mga residente, kinukumpiska rin ang kanilang mga construction materials at hindi pinapayagan makapasok sa kanilang lugar upang maipaayos ang butas butas na bubong ng kanilang bahay.

Ang higit aniya nilang ikinasasakit ng loob ay kinakailangan pang umaakyat sa bubungan ng kanilang bahay ang kanilang mga anak para lang magkaroon ng internet signal upang maipagtapuloy ang kanilang online classes.

AUTHOR PROFILE