Default Thumbnail

Mga makitid ang utak

July 4, 2022 Allan L. Encarnacion 419 views

Allan EncarnacionSORRY sa salitang ito ha, pasintabi sa mga nasa ilalim ng lupa, may mga kababayan na tayong “Demonyong Pilipino” na ang tingin sa kanila ng iba!

Iyong bang kahit magara ang suot, parang kulay pula ang tingin sa kanila na may hawak na malaking tinidor.

HIndi natin alam kung bakit may mga kababayan tayo na walang inabangan kung hindi paano sisiraan ang mga bagong lider ng bansa.

Natatandaan ko rin, noong unang isang linggo pa lang ni former President Duterte, ang binira agad ang iyong suot niyang relo. Mamahalin daw. Noong mag-birthday na naglagay ng isang kandila sa kanin, may naglabas naman ng mga picture na may litson naman pala sa lamesa.

Ganoon kakitid ang utak ng ibang Pinoy, masyadong mababa ang inaabot!

Itong inagurasyon naman ni PBMM, ang pinuntirya ang relo din. Ang suot daw niyang relo ay nagkakahalaga ng P9.3M. May iba naman, nasa P14 million daw ang relo na iyon.

Sobrang babaw ng mga taong ito. Sa halip na ang pinag-uusapan ay ang bagong inspirasyon at bagong pag-asa na ibibigay ng bagong Pangulo, ang nakita ay relo na hindi naman natin pare-parehong alam kung ano ang presyo.

Sa isang banda, mabuti na rin na inagurasyon pa lang ay nakita na nila ang relo ni PBBM. Tiyak na kung isang linggo na ang nakakalipas, ang kanilang magiging caption story: “kitam, isang linggo pa lang sa Palasyo, nakabili na ng P9.3M na halaga ng relo!”

Buhay pa kayo! Ano bang klaseng nilalang ang mga ganito mag-isip? Hindi ko alam, wala rin akong mahanapang na taguri o pang-uri sa kanila.

Paano nasisikmura ng mga taong ito na manatili sa ating bansa gayong wala naman silang nakitang mabuti? Bakit hindi pa sila mag-migrate sa kung saang bansa nila gusto at iwanan na nila ang Pilipinas na sinisiraan lang naman ang lahat ng mga nagiging lider?

Nawala na talaga ang patriotismo sa isip at sa puso ng iba sa ating mga kababayan. Iyon bang pagkagising ay ang unang hahanapin ay kasiraan ng mga lider at kung paano wawasakin sa social media ang bansa.

Sa totoo lang, ang buti ng social media sa atin ay nakita natin kung sino talaga ang mga bobo, kung sino talaga ang masama ang ugali, kung sino talaga ang wala namang ibubuga at kung sino talaga ang dapat ay itinatakwil na ng sarili niyang bansa.

Napaka-toxic makita ang mga kababayan nating walang ginawa kung hindi hanapan ng kasiraan ang lahat ng nasa kanilang paligid.

Umaapela tayo sa ating mga kababayan na tumulong at suportahan ang bagong administrasyon dahil hindi biro ang mga problemang kanilang dinatnan dulot ng pandemya, kawalan ng trabaho, kakulangan ng pagkain, mataas na presyo ng bilihin at ang nakaambang krisis sa maraming bansa sa buong mundo.

[email protected]