Default Thumbnail

Bagong DOH Secretary dapat bagong pag-asa

July 4, 2022 Paul M. Gutierrez 465 views

PaulMARAMI na ang naghihintay kung sino nga ba ang pipiliin ni Pangulong BongBong Marcos (PBBM) bilang kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan o Department of Health (DOH). Siyempre, dahil nasa pandemya pa rin naman tayo, malaki ang inaasahan ng mamamayan sa nasabing kagawaran.

Sa pagkakasulat ng artikulong ito, wala pang naitatalaga si PBBM bilang kalihim ng DOH.

May mga taong nagmamadali at sinasabing bilisan na ng Pangulo ang pagtatalaga sa DOH dahil na rin sa patuloy na pagtaas ngayon ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa partikular sa Metro Manila. Na nauunawaan naman natin ang urgency ng sitwasyon at may mga bagay na talagang kailangan nang bigyan ng direksyon sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19. At syempre malaki nga ang ginagampanan dito ng Kalihim ng departamento.

Gayunpaman, dahil nga isang sensitibong posisyon ang kalihim ng DOH ngayong panahon ng pandemya, hindi kailangang madaliin ang pagpili dito. Kailangang busisiin mabuti ang itatalaga kesa madaliin. At tingin natin nauunawaan ito ng kasalukuyang administrasyon.

Mahirap na magtalaga agad na kalaunan ay magiging palpak naman ang performance. Mainam nang pag-isipan itong maigi kesa ang buong DOH naman ang magkaleche-leche.

Alam natin na marami tayong mga doktor o health professionals na pwedeng pagpilian. Pero syempre kailangan timbangin kung sino ba sa mga ito ang may mas magandang credentials sa pamumuno. At syempre, iyong kayang maunawaan ang nais ng Pangulo.

Dahil po hindi magiging maganda ang pagtugon kung hindi magkapareho ng takbo ng isip at adbokasiya ng isang DOH Secretary at ng Pangulo. Mahalaga poi to dahil sa nagiging karanasan po natin, hindi na lamang po pangkalusugan ang apektado ngayong pandemya – apektado na rin po ang ating ekonomiya.

Ibig pong sabihin nito, anumang kagalingan o kaya ay kapalpakan ang magawa sa mga polisiya at desisyon ng DOH ay hindi na lamang po sektor pangkalusugan ang apektado, apektado po ang buhay at kabuhayan ng maraming mamamayan.

Kaya naman po sa ganitong diwa kung bakit din nauunawaan natin na wala pang naitatalaga bilang DOH secretary bagamat alam natin ang pangangailangan na dito. At nakatitiyak naman po tayo na alam iyan ng kasalukuyang administrasyon.

Sa ngayon, bagamat may pagtaas sa bilang ng mga nagpopositibo sa tingin natin ay manageable pa rin naman ang sitwasyon. Alam natin na hindi na natin kailangan pang maghintay na mas lumobo pa ang bilang at mauwi tayo muli sa mga lockdown bago tayo mangalampag na magkaroon na ng Kalihim sa DOH.

Pero may mga pwede namang gawin ang mga lokal na gobyerno at tayong mga mamamayan upang makontrol o mabawasan ang mga nahahawaan ng COVID-19. Masiguro lamang ang tamang pagsusuot ng face mask at pang-sanitize ng sarili at mga lugar gaya ng mga publikong transportasyon, restaurant, at iba pa; magawa lang nating masunod ang physical distancing at syempre, makapagpabakuna lalo na ang booster shot malaki po ang maitutulong natin para mabawasan ang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Tuluy-tuloy pa rin naman po ang pagbabakuna ng ating pamahalaan at mga lokal ng gobyerno. Pupunta na lamang po tayo. Siguro naman po ay nawala na ang agam-agam ng marami sa atin pagdating sa bakuna dahil mahigit isang taon na po tayong nababakunahan laban sa COVID-19 pero wala pa naman pong seryosong naging negatibong epekto nito gaya ng sa Dengvaxia.

Sa kasalukuyang sitwasyon natin, sana lang na maging bagong DOH secretary natin ay maging bagong mukha ng pag-asa para sa marami. Mabilis umaksyon, may malasakit at buo ang loob pagdating sa mga polisiya. Mahalagang ito ang maging mensahe ng pagpili dahil iyon naman ang inaasahan ng mamamayan sa bagong administrasyon, magkaroon ng bagong pag-asa ngayong pandemya.

Tiwala naman po tayo na may napupusuan na si PBBM bilang DOH secretary na talagang makakatrabaho niyang mabuti. Medyo talagang kapana-panabik na makilala dahil talagang sabi nga natin ay sensitibo ang posisyon na yan ngayong pandemya.

Kaya naman, good luck Mr. President at nawa ay masupresa kami in a good way kung sino man ang iyong itatalaga bilang DOH secretary.

AUTHOR PROFILE