MJ PNA file photo

Medical marijuana ‘may pag-asa’

February 29, 2024 PS Jun M. Sarmiento 78 views

LUMALAKI ang pag-asa na makapasa sa Senado ang panukalang Cannabis Medicalization Act of the Philippines matapos makakuha ng 13 boto.

“Pursuant thereto, the State shall legalize and regulate the medical use of cannabis which has been confirmed to have beneficial and therapeutic uses for known debilitating medical conditions,” ayon kay Sen. Robinhood Padilla, author ng Senate Bill 2573.

Sa isang panayam kay Sen. JV Joseph Victor Ejercito Estrada, sinabi nito na napapanahon na upang buksan ng maraming Pilipino ang kanilang isipan kung papaano makakatulong sa mga kababayan natin na maysakit at dumadanas ng matinding hirap dulot ng karamdaman.

Ito aniya ang munting paraan upang maibsan ang kanilang dinadanas na sakit–sa pamamagitan ng medical marijuana.

“I really think we have to consider this. I can attest how medical marijuana was able to help my sister-in-law who was suffering from epilepsy. Nakita ko mismo kung gaano kahirap lalo pag inaatake siya,” pagtatapat ni Joseph Victor JV Ejercito.

Dagdag pa niya na napakasakit tingnan lalo’t kaanak mo ang may malubhang karamdaman at nakikita mong nahihirapan dulot ng sakit na dinadala.

Umayon sa pagsasa-legal ng medical marijuana at pumirma bukod kay Sen. Padilla at Sen. Ejercito sina Sens. Jose Jinggoy Estrada, Christopher Bong Go, Ronaldo “Bato” dela Rosa, Raffy Tulfo, Lito Lapid, Ramon Bong Revilla, Grace Poe, Joel Villanueva at Aquilino Koko Pimentel sa ilalim ng committee report No. 210 na inihanda ng Committee on Health and Demography and the Committee on Dangerous Drugs.

Sa naturang panukala, malinaw na nakasaad na dapat may magkaroon ng isang tinatawag na monitoring body sa ilalim ng Philippine Medical Cannabis Authority na pamamahalaan ng Department of Health.

Mga pasyente na may cancer, epilepsy, glaucoma, anxiety, multiple schlerosis, pain, post traumatic stress disorder, AIDS, inflammatory bowel disease, Tourette Syndrome, Insomnia, Amyotrophic lateral sclerosis, Anorexia, Depression, Irritable bowel syndrome, Migraine, Schizophrenia at iba pang sakit na bibigyan awtorisasyon ng mga legal na doktor ang mga kwalipikado na gumamit ng marijuana bilang gamot.

“The certifying physician shall not use a written prescription for his or her use, or the use of his or her immediate family or relatives within the second civil degree of consanguinity or affinity,” nakasaad sa panukala.

At gaya ng iba pang S2 medicine, ang itatagal lamang na validity ng Medical Cannabis ay sa loob lamang ng isang taon.