Default Thumbnail

MC rider dedo matapos sumalpok sa van

June 28, 2022 Jonjon Reyes 245 views

BINAWIAN ng buhay ang isang motorcycle (MC) rider matapos aksidenteng madulas at mawalan ng balanse ang sinasakyang nito at humampas sa nakaparadang sasakyan sa Sta. Cruz, Maynila, Lunes ng gabi.

Naisugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Jonjon Catubag, 34, binata, at residente ng Tondo, Lungsod ng Maynila ngunit pumanaw rin sanhi ng tinamong pinsala sa katawan.

Sa ulat mula sa Manila District Traffic Enforcement Unit, pasado alas-11:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng westbound lane ng Claro M. Recto Avenue sa harap ng Isetann Mall, Sta. Cruz.

Binabaybay umano ng biktima ang nasabing kalsada nang biglang madulas ang motorsiklo at natumba saka dumausdos ng ilang metro ang biktima hanggang sa humampas ito sa nakaparadang Kia Pregio van.

Dahil sa lakas ng pagkahampas ng rider, nagtamo ito ng matinding pinsala sa katawan at dinala ng rumespondeng MDRRMO sa nasabing ospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

AUTHOR PROFILE