Default Thumbnail

Mayor Honey, namahagi ng ‘CAP’ puhunan

May 18, 2023 Edd Reyes 175 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pamamahagi ng puhunan sa mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila na naghahangad na makapagnegosyo Huwebes ng umaga sa San Andres Sports Complex.

Umabot sa kabuuang 656 ang mga benepisyaryo na tumanggap ng P5,000 puhunan mula sa Capital Assistance Program (CAP) ng lokal na pamahalaan na nasa ilalim ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ni Director Asuncion “Re” Fugoso.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mayor Honey na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng puhunan sa mga kuwalipikadong mamamayan na nagnanais na magtayo ng kanilang maliit na negosyo, isa hanggang dalawang beses sa isang taon.

“Maliit nga lang po pero wala pong maliit kung pagsusumikapan nating palaguin ang negosyo na iniisip natin. Mayroon nga akong kakilala na nagsisimula sa P500, P1,000, pero kalaunan, napagtatapos nila ang kanilang mga anak,” pahayag pa ng alkalde.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga benepisyaryo na gamitin lamang sa puhunan sa ninanais nilang negosyo ang tatanggaping salapi mula sa lokal na pamahalaan upang hindi masayang ang ginagawa nilang pagsisikap na maging masinop sa pondo ng lungsod nang sa gayon ay mayroon palagi silang masasandalan at maasahan para sila matulungan.

“Sana po, magamit nyo ng tama itong puhunan na ito. Paulit ulit po naming sinasabi na ito ay puhunan, hindi po bayad sa kuryente, hindi po bayad sa renta o upa ng bahay, at hindi po pambayad ng tubig,” pagdidiin pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE