Default Thumbnail

Mayor Honey inatasan ang OSCA para ayusin ang SCs list

January 8, 2023 Edd Reyes 186 views

INATASAN na ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) na ayusin ang listahan ng mga senior citizens (SCs) na hindi nakatanggap ng allowance gayung kabilang sila sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sinabi ng alkalde sa kanyang unang Capital Report sa taong 2023 na live na napanood nito lamang Biyernes ng hapon sa opisyal na Facebook Page ng Manila Public Information Office (PIO) na kasalukuyan ng nagsasagawa ng pag-upgrade ang OSCA ng listahan ng mga senior citizen matapos makarating sa kanyang kaalaman ang napakaraming reklamo ng mga kwalipikadong benepisyaryo na natanggal sa listahan habang nadagdag sa talaan ang pangalan ng ilang mga matagal ng namayapa.

“Tayo po ay updated na sa inyong mga allowance, all districts, naibigay po natin ang allowance for the year 2022, doon na lang po sa nagkaroon ng problema, yung mga nawala sa listahan, updating na lang muli ang atin pong tutugunan,” paliwanag pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Tiniyak din ni Mayor Lacuna-Pangan na makukuha pa rin ng mga kwalipikadong senior citizen ang hindi nila natanggap na allowance makaraang mawala sa listahan sa susunod na bigayan sa buwan ng Abril.

“Rest assured po na aayusin naming mabuti ang listahan nang sa gayon po ay makuha naman po ninyo ang mga kaukulan pong allowances,” pagtitiyak pa ng alkalde.

Ipinaliwanag pa niya na tuwing ika-apat na buwan nila ipinamamahagi ang allowance ng mga senior citizen upang malaki ang kanilang matanggap kumpara sa maliit na lang na halaga kung buwan-buwan nila ito ipagkakaloob.

Aniya, kailangang ayusing mabuti ang pagsasa-ayos ng payroll ng mga seniors dahil araw-araw ay may nadadagdag na listahan at mayroon ding nababawas kaya tuwing ika-apat na buwan ito naipamamahagi.

Bukod dito, inaasikaso na rin ang allowance ng mga solo parents at persons with disabilities (PWDs) na ipinagkakaloob tuwing ika-anim na buwan at allowances ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), Universidad de Manila (UdM), at mga Grade 12 students sa mga pampublikong paaralan.

“So, expect na ang susunod ninyong allowance ay by April 2023, agahan natin, mga first week of April para alcald-laki naman po ang matatanggap alcal,” pagtitiyak pa ng alcalde.

AUTHOR PROFILE