Default Thumbnail

Hostage-taking sa Tondo, mapayapang natapos; mag-iina ligtas

January 8, 2023 Jonjon Reyes 220 views

HALOS umabot sa dalawang oras na negosasyon sa isang hostage-taking na nabalot ng tensiyon matapos i-hostage ng suspek ang isang ginang at dalawang anak nito, makaraang pasukin ang tahanan nito at armado ng patalim sa Tondo, Maynila, Biyernes ng gabi.

Matiyaga naman kinausap at kalmadong hinarap ni Police Lieutenant Col. Rosalino “Jhun” Ibay Jr., commander ng Manila Police District (MPD) Police Station (PS) 1 bago naisipang sumuko ng suspek na kinilala sa alyas na “Terry,” residente ng Longos, Malabon City na agad naman sumama kay MPD Director P/Brigaider Gen. Andre P. Dizon na nakaantabay sa labas ng tahanan ng mga biktima kasama ang mga tauhan ng Special Weapon And Tactics (SWAT).

Ayon kay Ibay, pasado alas 6:08 ng gabi nang pasukin at akyatin ng suspek ang isang silid ng mga biktima sa panulukan ng Franco at Herbosa Streets sa Tondo.

Dahil dito, naalarma ang ilang residente sa lugar kabilang ang kalapit kwarto nito na siya nagreport sa barangay bago itinawag sa MPD PS 1 kung kaya’t agad naman din na ipinaalam kay Dizon at sa MPD-SWAT.

Agad tumungo sina Dizon na nagsasagawa ng patrolling operations sa paligid ng Simbahan ng Quiapo.

Agad na kinordon ang lugar ng mga kapulisan sa pamumuo naman ni P/Capt. Robert Dato at P/Capt. Aldeen Legaspi ng Pritil PCP (Police Community Precinct) Station, kaagapay ang mga tauhan ng Tactical Motorized Rider Unit (TMRU) sa pangunguna ni P/Maj. Alrey Bundalian, na siya namang ground commander at iba pang mga miyembro ng SWAT.

Binihag ng suspek o “hostage-taker” ang ginang at ang dalawang anak nito na may edad na 12-anyos na babae at apat na taong gulang na lalaki.

Nadala naman sa matagumpay na negosasyon saka sumuko ang suspek kina Ibay at Dizon at saka dinala sa presinto para maproseso.

Gayunman, nahaharap pa rin sa kasong paglabag sa serious illegal detention at alarming scandal ang suspek.

Pinuri naman ni “The Game Changer” MPD Chief Dizon ang mga kapulisan dahil naging maayos ang pagresponde sa ginawang panghostage at hindi nasaktan ang gma biktima.

AUTHOR PROFILE