Default Thumbnail

Maynila bahagi na ng ‘C40’

October 24, 2022 Edd Reyes 299 views

INIHAYAG ng Manila City Public Information Office (PIO) na ang Lungsod ng Maynila ay bahagi na ng C40 o isa sa “nangungunang siyudad” na magtataguyod ng inisyatiba upang matutukan ang krisis sa pagpapalit ng klima o climate change.

Si Mayor Honey Lacuna-Pangan na isang medical doctor, Fellow of the Philippine Dermatological Society (MD, FPDS) ay isa lamang sa 200 mga alkalde ng lungsod mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang naimbitahang dumalo sa apat na araw ng C40 World Mayors Summit sa Buenos Aires, Argentina.

Kasamang dumalo ng alkalde sa naturang kaganapan sina Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles, Department of Public Services Officer-in-Charge (OIC) Kayle Nicole Amurao, District II Councilor Numero Lim, at District III Councilor Timothy Oliver Zarcal.

Sinabi ni Manila PIO (Public Information Office) Chief Atty. Princess Abante na ito ang kauna-unahang pagpupulong ng mga lider ng iba’t-ibang lungsod sa bawat panig ng daigdig mula ng magkaroon ng pandemiya.

Sinabi niya na bagama’t mayroon pa ring pandemyang dulot ng COVID-19, patuloy ang ginagawang pagkilos at maging bahagi ng pagkakaloob ng solusyon ng Lungsod ng Maynila para sa climate resilient na lungsod.

“It also created a ten-year local climate change action plan that includes initiatives on energy, transportation and traffic management, waste management, environment, industrial and commercial establishments, and science and technology,” dagdag pa niya.

Bilang alkalde ng lungsod na kapitolyo ng Pilipinas, pinangunahan ni Mayor Honey ang mga proyekto at programa sa ganitong kategorya ng pag-aambag ng mga oportunidad na pagpapabuti sa lungsod habang pinangangalagaan ang kapaligiran at tumutulong sa paglutas sa krisis sa climate change.

Kabilang sa mga napagtagumpayan ni Mayor Lacuna-Pangan sa unang 100-araw niya sa panunungkulan ang “urban greening programs” kabilang ang rehabilitasyon ng mga parke at mga lugar na may mga halaman, pagtatanim ng Nilad, pagtataguyod ng behikulong pinatatakbo ng elektrisidad, programang pagre-recycle, paglilinis ng mga lansangan, baybaying dagat at daluyan ng tubig at paglalatag ng programang proyekto na naglalayong maging “Magnificent Manila” ang lungsod.

“Manila stands today as a testament to what a city can be when excellence is not an aspiration but a duty,” pahayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Ginawa rin niyang kapaki-pakinabang ang pananatili sa Argentina sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng impormasyon at mahusay na kasanayan sa mga iba pang dumalo sa naturang okasyon na layuning makatulong sa pagpigil sa krisis sa pagpapalit ng klima ng mundo.

AUTHOR PROFILE