Maymay

Maymay, Robi, Marlo at Majoy, bibida sa edutainment shows

March 14, 2023 Ian F. Fariñas 284 views

Kapana-panabik na line-up ng mga bagong show at episode ang hatid ng “School Anywhere” ng Knowledge Channel para sa mga mag-aaral, guro at mga magulang.

Iba’t ibang content para sa early childhood care at education, beginning reading and math, science, environment, agriculture at Araling Panlipunan ang available at mapapanood on-air, online at offline.

Sa bagong seryeng I Love You 1000, na pinagbibidahan nina Marlo Mortel at Majoy Apostol, matutunan ng mga bagong magulang ang kahalagahan ng first 1,000 days ni baby kasama ang National Nutrition Council.

Mas mapapalalim naman ang interes ng mga bata sa pag-aaral ng agrikultura sa AgriKids, na ginawa kasama ang Agricultural Training Institute ng Department of Agriculture.

Mga bagong episode ang mapapanood sa Ready, Set, Read, isang serye para sa pag-aaral ng oracy at pagsisimula ng pagbasa, hosted by Seth Dungca. Patuloy na makakasama ang Kapamilya host at Math enthusiast na si Robi Domingo sa MathDali upang magdala ng saya sa pag-aaral ng mga numero at paglutas ng mga problema sa matematika.

Ang bagong seryeng Wikaharian, na binuo kasama ng National Commission for Culture and the Arts at ni Senator Loren Legarda, ay maghihikayat sa mga mag-aaral na mapahusay ang kasanayan sa pagbasa sa Filipino.

Tuklasin ang kagandahan at kasaysayan ng mga lalawigan ng Pilipinas kasama ang director of operations ng Knowledge Channel na si Edric Calma sa WOW.

Dadalhin naman tayo nina Maymay Entrata at Elijah Canlas sa pag-aaral ng intermediate concepts tungkol sa kapaligiran at pangangalaga nito sa bagong episodes ng Puno ng Buhay. Kasama ang Forest Foundation Philippines sa paggawa ng dalawang shows na ito.

Asahan din ang mga bagong weekly episodes mula sa mga digital shows na Art Smart kasama si Teacher Precious at Knowledge On The Go hosted by Coach Lyqa Maravilla.

Ang lahat ng ito ay mapapanood sa cable, direct-to-home satellite at DTT, at online sa pamamagitan ng iWantTFC. Available rin ang mga video lesson on-demand sa pamamagitan ng opisyal na Facebook at YouTube page ng KCFI.

Ang School Anywhere block ng Knowledge Channel ay nasa Kapamilya Channel din tuwing Linggo, 7 a.m., at A2Z mula Lunes hanggang Biyernes, 7 a.m.

AUTHOR PROFILE