Paul Gutierez

Mataas na ‘satisfaction rating’ ni SOJ, hindi nakapagtataka

February 6, 2024 Paul M. Gutierrez 104 views

MAINIT na pagbati ang ating ipinapaabot kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Bossman’ Remulla, na pumangatlo sa mga miyembro ng Gabinete pagdating sa ‘satisfaction rating’ ng publiko batay sa pinakahuling resulta ng “Boses ng Bayan” ‘Annual Cabinet Officials Performance Report 2023.’

Dahil dito ay muling napatunayan ng ating Bossman na karapat-dapat siya sa puwesto at hindi nagkamali si Pangulong Bongbong Marcos sa paghirang sa kanya upang pamunuan ang naturang ahensiya. At “partida” pa na mayroon pa siyang karamdaman, hehehe!

Sa titulo pa lang ng survey na “Boses ng Bayan,” talagang taas-noo at liyad-dibdib ang mga opisyal at empleyado ng DOJ dahil mismong taumbayan ang nagbigay ng marka sa mga opisyal ng Gabinete hinggil sa kanilang performance.

Tumataginting na 85 porsiyento ang nakuhang iskor ng mahusay na kalihim, kung saan mayroong 10,000 adult respondents na tinanong randomly sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Isinagawa ang survey noong Disyembre 27, 2023 hanggang Enero 5 ngayong taon.

Ayon sa RP-Mission and Development Foundation, Inc (RPMD) na nagsagawa ng survey, ginamit na basehan sa pagtatanong ang mga natatanging accomplishments ng mga Cabinet officials, na siyang barometro ng “public satisfaction ratings.”

Ibig sabihin, hindi lamang ito tanong kung kilala ba o sikat ba ang isang opisyal ng gobyerno, bagkus ay tanong at survey hinggil sa mga nagawa at mga ipinatutupad na programa sa kani-kanilang mga ahensiya.

Ayon nga sa mga nakausap nating empleyado sa DOJ, mataas o mababa man ang katungkulan, ay talaga daw pantay-pantay ang pagtingin ni Secretary Bossman; hindi rin matatawaran ang kanyang kasipagan at katapangan na maglabas ng mga direktiba upang patatagin pa ang sistema ng administrasyon ng hustisya sa ating bansa.

Gusto ninyo ng “sampol,” dear readers? Abah, hanapin agad ang Department Circular No. 20 at DC No. 11, at kayo na ang humusga sa napakalaking implikasyon ng mga ito sa sistema ng ating hustisya.

Oops! Kasama sa makikinabang sa mga ito ay ang hanay ng midya dahil bilang ‘chairman’ ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), hindi siyempre nakakalimutan ni SOJ ang interes ng mga mamamahayag.

Ayon pa sa mga kawani ng DOJ, ang resulta ng survey ay higit pang magsisilbing inspirasyon sa kanila upang pagbutihin ang kanilang trabaho at serbisyo sa tao.

Naniniwala tayo na ang resulta ng survey na ito ay sumasalamin sa mataas na kumpiyansa ng taumbayan sa ating justice system at nagpapakita ito na seryoso ang butihing kalihim sa pagsusulong ng hustisya para sa lahat at sa pagsasaayos at pagpapatibay pa ng sistema ng ating hustisya upang muling maibalik ang tiwala ng publiko na ang lahat ay pantay-pantay sa ilalim ng batas.

At sa ibinibigay na tiwala at pagkilala ng taumbayan sa ating Bossman, huwag isipin ng mga ambisyoso at mga kritiko na “papalaot” pa siya sa ibang larangan ng public service. “Mamatay” kayo sa inggit, hahaha! Isang bagsak para sa iyo, Bossman!

AUTHOR PROFILE