Marlon

Mas mabilis na pagbili ng textbooks isinusulong ni Gatchalian

February 10, 2024 Marlon Purification 108 views

MATAPOS lumabas sa isang pag-aaral ang mga hamong kinakaharap sa pagbili ng textbooks para sa mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng mas mabilis na proseso ng pagbili ng mga aklat.

Sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na pinamagatang Miseducation: the Failed System of Philippine Education, lumalabas na mula 2012, 27 na textbooks lamang ang nabili para sa Kindergarten hanggang Grade 10.

Lumabas din na mula 2018 hanggang 2022, P12.6 bilyon ang inilaan para sa mga textbook at ibang mga instructional materials, 35.3% (P4.5 bilyon) ang tinatawag na obligated at 7.5% (P952 milyon) naman ang naitalang na-disburse. Lumabas din sa pag-aaral na mula noong ipatupad ang K to 12 curriculum, mga textbook lamang para sa Grade 5 at 6 ang nabili.

Batay sa konsultasyon sa National Book Development Board (NBDB) at mga private publishers, kabilang sa mga kinakaharap na hamon sa pagbili ng mga aklat ang kakulangan sa panahon para makabuo ng mga textbook, pati na rin ang tumatagal na proseso ng pag-review.

Bagama’t madalas umaabot ng 18 buwan ang pagbuo ng mga textbooks ayon sa NBDB, anim na buwan lamang ang ibinibigay ng Department of Education (DepEd) para sa textbook call o paghingi ng mga textbook. Dahil dito, nagsusumite na lamang ang mga publisher ng mga nagawa nang mga drafts na may bahagyang pagpapabago upang tumugma sa mga requirements ng DepEd.

Nagdudulot ito ng mas pinatagal na proseso ng rebisyon at editing. Lumalabas din na walang sapat na staff and DepEd para sa pagrepaso ng mga textbooks, habang magkakatunggali naman ang mga komentong natatanggap ng mga publisher mula sa iba’t ibang reviewer.

Una nang hinimok ni Gatchalian ang DepEd na mamili na lamang ng mga textbooks na gawa na tulad ng ginagawa ng mga pribadong paaralan. Aniya, dapat kasing pagsikapan ng pamahalaan na bigyan ng aklat ang bawat mag-aaral.

Tumutugma naman ang pag-aaral ng EDCOM sa resulta ng 2019 Southeast Asian Primary Learning Metrics (SEA-PLM) kung saan lumalabas na isa sa limang mag-aaral sa Grade 5 ang nakikihati sa isa o higit pang mag-aaral.

“Edukasyon ng ating mga kabataan ang napapabayaan kung patuloy nating haharapin ang mga suliranin sa pagkakaroon ng sapat at dekalidad na mga aklat,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng EDCOM II.

Balak din ng Senador na magkaroon ng oversight review sa Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) upang suriin kung nakakasabay ba sa digitalization ang publishing industry ng bansa.