Tolentino

Mas mabigat na parusa sa child abuse, itinulak ni Tolentino

December 11, 2023 People's Tonight 153 views

INIHAYAG ni Senador Francis “Tol” Tolentino na dapat nang maitakda, alinsunod sa panahon, ang mas mahigpit na parusa sa pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata.

Tinukoy ng senador ang kanyang Senate Bill No. 1397 na nagsususog sa RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse and Exploitation Act.

“Kailangang i-update ang batas dahil sa nagbabagong panahon. Mas mabilis na ngayon ang internet. Mas mataas ang antas ng teknolohiya,” sabi ni Tolentino sa panayam ng radyo DZBB.

“Mataas ang level ng pang-aabuso na nangyayari sa ating kabataan lalo na ang online trafficking at online sexual abuse,” idinagdag pa ni Tolentino, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Kabilang sa mga susog sa SB 1397 ay ang mas mahabang sentensiya sa bilangguan at mas malakas na proteksyon para sa mga bata na kabilang sa indigenous groups.

Sinabi rin ni Sen. Tol na sisikapin nya na ring maisama sa kanyang panukalang-batas ang mas mabigat ding pagpaparusa sa forced marriage at recruitment ng mga bata sa insurgency groups habang isinusulong ito sa Senado.

AUTHOR PROFILE