Bong Go

Bong Go sa governors: Magpokus sa pangangailangan ng mga tao

December 10, 2023 People's Tonight 230 views

PERSONAL na dumalo si Senador Christopher “Bong” Go, kasama ang mga kapwa senador na sina Francis “Tol” Tolentino, Sherwin “Win” Gatchalian, at Joseph Victor “JV” Ejercito, sa League of Provinces of the Philippines’ Year-End Celebration and Thanksgiving sa Edsa Shangri-La Hotel, Mandaluyong City noong Biyernes, Disyembre 8.

Sa kanyang talumpati, hinimok ni Go ang mga dumalong gobernador na tumutok sa mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino. Binigyang-diin niya na sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang titulo sa gobyerno, iisa ang layunin ng paglilingkod sa bayan at pagbibigay ng mahalagang suporta, partikular sa panahon ng krisis.

Pinasalamatan din ni Go ang mga gubernador sa kanilang pagtutulungan na maisulong ang mga hakbang na nakatutulong sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino. Idiniin niya ang kahalagahan ng pagsisikap na mailapit ang mga serbisyo publiko sa mga komunidad.

“Ini-encourge ko po kayo, suportahan natin ang ating gobyerno, para naman po ito sa Pilipino. At ang pakiusap ko lang po sa inyo, huwag n’yo pong pabayaan ang mga kababayan nating mahihirap, ‘yung mga helpless, hopeless nating kababayan na walang matakbuhan kung ‘di tayo pong nasa gobyerno,” sabi ni Go.

“Wala po akong masasabing advice sa inyo dahil you are superstars in your own right. Pinili kayo ng tao kaya nandiriyan po kayo. Nandirito lang po ako na inyong senador. Ako po ang bata ninyo gaya ng dati hanggang ngayon. Kalabitin n’yo lang po ako, huwag n’yo po akong ituring na ibang tao. May kasamahan po kayo sa gobyerno na handang tumulong sa inyo sa abot ng aking makakaya,” idinagdag niya.

Si Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ay nangako ring patuloy na pahuhusayin ang paghahatid ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga Pilipino, partikular na sa mga nasa mahihinang sektor at katutubo.

Binanggit niya ang mga hakbangin tulad ng Malasakit Centers, Super Health Centers, at Regional Specialty Centers bilang mga pangunahing bahagi ng kanyang pagsisikap na matiyak ang accessible at komprehensibong pangangalagang pangkalusugan para sa lahat.

“Prayoridad rin po ni Pangulong Bongbong Marcos at nina Sen. JV ang Specialty Center. ‘Di ba ang Heart Center natin nasa Quezon City? Ang Lung Center nasa Quezon City. Papaano po tayong mga nasa probinsya, mga taga-Basilan, mga taga-Tawi-Tawi. Kawawa naman po, kailangang bumyahe ng Maynila para magpaopera sa puso. Ngayon po, it’s a multi-year plan po ng gobyerno, itatayo na po yan sa mga existing DOH regional hospital,” paliwanag ni Go.

“Batas na po ‘yan. Proud po akong balita sa inyo nakakuha po ako ng 24-0 na boto niyan sa Senado dahil makakatulong po ito sa mga kababayan nating mahihirap,” aniya pa.

AUTHOR PROFILE