Manila Arena hinagisan ng granada

January 28, 2022 Jonjon Reyes 153 views

HINAGISAN ng naka-motorsiklong “riding-in-tandem” ng granada ang parking lot ng Manila Arena sa Sta.Ana, Manila, Huwebes ng gabi.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) Bomb Disposal Unit, nakatanggap sila ng tawag na di-umano’y magkaangkas sa hindi naplakahang motorsiklo ang sumulpot sa Manila Arena sa New Panaderos St., Sta. Ana, bandang 6:05 ng gabi at naghagis ng granada sa parking lot sa main gate ng nasabing arena.

Nabatid kay Lt. Jay Michael Querubin ng MPD Station 6, at agad ipinagbigay alam sa MPD Bomb Disposal Unit at sa pangunguna ni P/Maj. Omar Cuyugan na agad namang kinordon ang arena saka isinailalim sa imbestigasyon kung ano ang motibo ng insidente sa paghahagis ng granada.

Wala namang nasaktan sa nasabing insidente. Base sa mga kuha ng mga CCTV camera, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Lambingan Bridge, Mandaluyong City.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr. kung sino ang mga suspek at ang motibo nito sa operasyon ng online sabong sa arena. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE