Default Thumbnail

Manhunt ops ikinasa vs suspek sa pamamaril sa N. Cotabato

February 15, 2023 Zaida I. Delos Reyes 220 views

ISANG manhunt operation ang ikinasa ng Philippine National Police (PNP) laban sa suspect na namaril ng tatlong estudyante na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng dalawa nitong Martes sa Pikit, North Cotabato.

Ayon kay Lt. Col. John Miridel Calinga, hepe ng Pikit Police Station, naganap ang pamamaril nitong Martes ng hapon (Pebrero 14) sa Barangay Macabual sa naturang probinsya.

Aniya, patay sa pamamaril ang 13-anyos na estuduyante ng Pikit National High School habang isinugod naman sa pagamutan ang dalawang 12-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon, papauwi umano sa kanilang tahanan ang tatlong bata nang sundan sila ng suspek at pagbabarilin.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang mga batang biktima subalit hindi na umabot ng buhay ang isa dahil sa tinamong tama ng bala.

Dahil sa insidente, agad na iniutos ni Mayor Sumulong Sultan na pansamantalang suspendihin ang pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan mula Pebrero 15 hanggan 17, 2023.

Sinabi ng alkalde na nakakaalarma na ang sunod-sunod na kaso ng pamamaril sa mga batang estudyante sa lugar.

“This is due to the series of killings and shooting incidents that had been happening in Pikit,” pahayag ni Mayor Sultan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.