Default Thumbnail

Mali

December 3, 2023 Joey C. Papa 177 views

JoeyMALI sa personal kong opinyon na ikinulong ang elepanteng si Mali na kailan lang ay namatay sa Manila Zoo.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, sa isang panayam, ay labing -isang buwan pa lang ang elepanteng si Mali nang dalhin ito sa Manila Zoo.

Kung gayon ay parang kailangan pa nitong sumususo sa kanyang inang elepante ngunit inihiwalay agad!

Paano nakarating si Mali sa Pilipinas? Donasyon ba ‘to? Ipinagbli ng mga hunters o poachers?

Gusto ko sanang makarinig ng sagot sa mga tanong na ito.

Mali rin, sa palagay ko na magkaroon pa ng zoo sa ating bansa. Opinyon ko ito.

Ikinukulong lang naman ang mga hayop sa isang maliit na lugar. Hindi ito kasinlaki ng mga gubat o kakahuyan na kanilang natural na tirahan.

Malaya silang nakakikilos sa ganitong kapaligiran at sila o kanilang mga pamilya ang nag-aalaga sa kanilang grupo o sa isa’t isa.

Bakit kailangang gawin silang taga-aliw ng mga tao? Puwede naman silang makita sa mga pelikula o dokumentaryo magpunta, lumahok sa mga safari kung may badyet.

Nakalulungkot ang pagkakakulong ng elepanteng si Mali sa zoo. Kapiling niya ang iba pang ikinulong din na mga hayop.

Matagal na nang mapunta ako sa zoo. Tila malulungkot sila na pinanonood ng mga taong hindi marahil nadarama ang kalungkutan ng pagkakakulong.

Dapat sana’y masisigla silang nagtatakbuhan, naglalaro sa kagubatan at hindi sa isang karnibal ng isang zoo. Kapiling nila sa kanilang paglalaro ang kanilang mga pamilya, mga kapatid, at kaibigan.

Gugustuhin ba ng mga tao na ang mga batang anak nila ay bihagin ng mga hayop at gawin silang mga taga-aliw ng mga kahayupan sa kagubatan? Parang may ganito nang pelikula di ba? Parang ipinakikita ang posibleng mangyari sa kinabukasan. Huwag naman sana.

Kung hindi ako nagkakamali ay umabot ng edad 46 na taon si Mali at ganito rin ang tagal ng kanyang pagkakakulong sa zoo. Ayon ito sa isang press release na ipinadala sa akin ng People for the Ethical Treatment of Animals o PETA

Ngunit kahit na isang taon lamang na pagkakahiwalay ni Mali sa kanyang pamilya o ina ay isang malungkot na kalagayan na ito. Halos kulang-kulang sa 46 na siyang nakakulong sa zoo.

Kung gagawin ito sa tao na binihag at ikinulong para lamang pasayahin ang mga bisita sa isang zoo, hindi ba nakakagalit ito at sasabihing hindi makatao!

Maka-hayop naman ang magiging tawag sa maka-hayop na pagkukulong sa mga hayop sa isang lugar na hindi nila natural na tahanan.

Bakit hindi na lang gawing pabahay ng mga mahihirap na Pilipino ang lupain ng Manila Zoo? Mga tao pa ang matutulungan kung ganito dahil marami sa mga mahihirap na kababayan natin ang wala nang hanapbuhay, wala pang tirahan.

May isip at damdamin ang mga elepante at iba pang hayop. Kung may namamatay sa kanila, lahat sila ay nagluluksa ng matagal na panahon. Malapit ang kanilang mga pamilya sa isa’t isa. Lagi silang magkakasama kahit saanman magpunta. Bakit kailangan silang ikulong?

Marunong silang gumamot ng kanilang mga sarili kung nasa kagubatan sila huwag lang ang karamdaman ay dulot ng pananakit ng mga tao. Nasa kagubatan ang mga halamang gamot na ginagamit nila na kung saan ay pinagmumulan din ng kanilang mga pagkain.

Sa ibang bansa ay sinasaktan ng mga tao ang mga elepante upang pasunurin sa mga gagawin nilang pagtatanghal sa mga karnabal o kaya’y ginagamit na mga sasakyan ng mga turista. Ginagamit sila sa negosyo. Ito ang tunay na makahayop na gawain! Ayaw ng PETA ito.

Tinututulan ng PETA ang lahat ng mga pang-aabuso, pagmamalabis, pagkukulong at pagpatay sa mga hayop sa buong mundo.

Napakalungkot ng kamatayan ni Mali – sa isang kulungan, malayong-malayo sa tahanan ng kanyang ina, ama at mga kapatid.

Huwag na sanang maulit ang pagkakamaling ito.

Paalam, Mali.

AUTHOR PROFILE