Default Thumbnail

Malaysian nat’l, 33 pang dayuhan na-rescue mula sa POGO

September 30, 2022 Edd Reyes 202 views

NASAGIP ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operation Unit (DSOU), District Intelligence Unit (DID), District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Southern Police District (SPD) at Muntinlupa Police ang isang Malaysian national at 33 pang dayuhan na umano’y puwersahang pinagtatrabaho sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) company sa Muntinlupa City.

Kinilala ni SPD Director P/BGen. Kriby John Kraft ang Malaysian na si Soh Teck Koung, 25, na umano’y ginipit at pinagbantaan ng operator ng POGO na matatagpuan sa Montillano St. Barangay Alabang, Muntinlupa City.

Sa ulat na ipinadala ni Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo, nakagawa ng paraan si Koung na tumawag sa kanyang ina sa Malaysia noong Setyembre 26, 2022, upang ireklamo ang pagkakait sa kanyang kalayaan na makalabas ng gusali ng operator ng POGO na si Quan Jing, 35, isang Chinese national at pinagbantaan ding malalagay sa panganib ang kanyang buhay kapag nagreklamo pati na rin ang pagpapatigil sa pagbibigay sa kanyang sahod.

Nakipag-ugnayan naman ang ina ng biktima sa Malaysian Royal Police na silang nagpaabot sa kaalaman ng SPD kaya’t isinagawa ang pagsalakay sa naturang POGO company nito lang Miyerkules ng alas-10:30 ng gabi.

Ayon kay Estomo, nabigong makapag-prisinta ng business permit si Quan Jing nang hingin sa kanya ng mga pulis ang naturang dokumento.

Inimbitahan din sa tanggapan ng DSOU ang 26 na dayuhang nasagip upang isailalim sa beripikasyon sa pamamagitan ng National Police Clearance System sa oras na maipabatid sa kani-kanilang embahada ang pagkakasagip sa kanila habang ang pito naman ay nagpahayag ng kahandaang bumalik na lamang muli sa kani-kanilang bansa dahil hindi na sila interesadong magtrabaho pa sa naturang kompanya.

“We would like to assure the public that we are working diligently to respond to the reports and maintain close coordination [with] our counterparts in conducting police operations to be able to rescue other possible victims of illegal detention among foreign nationals and other POGO workers,” pahayag pa ni Estomo.

AUTHOR PROFILE