Default Thumbnail

MALAKI ANG PROBLEMA SA OFFICE FOR TRANSPORTATION SECURITY

March 13, 2023 Marlon Purification 423 views

Marlon PurificationNAHARAP sa magkakasunod na issue ang ahensya ng Office for Transportation Security (OTS) tungkol sa katiwalian sa mga paliparan partikular diyan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nitong dalawang linggo ay sunud-sunod na reklamo ang kinaharap ng mga tauhan ng ahensya tungkol sa pagnanakaw ng pera at alahas mula sa 2 turista ng Thailand at Japan.

Hindi pa kasama riyan ang nag-viral na “unprofessional behavior” ng mga ito sa security screening na kanilang ginawa sa isang tanyag na K-pop group mula Korea.

Bagamat hindi inamin ng mga sangkot na empleyado, kailanman ay hindi pwede itago ang naging modus ng mga ito dahil bukod sa sila ay nakuhanan ng video, kitang-kita naman sa CCTV ng NAIA ang aktong pagkuha ng mga items ng ilang tiwaling Screening Security Officers (SSO) sa mga gamit ng mga dayuhan.

Sa totoo lang ay malaking batik sa karangalan ng bansa ang mga ganitong klaseng balita. Paano pa natin ipo-promote ang turismo sa Pinas kung sa airport pa lang ay inaabot na ng matinding trauma ang ating mga bisita.

Sa ganang akin, hindi lang naman pagpuslit ng gamit ang problema sa mga tauhan ng OTS. Maging sa pagtrato ng mga dumaraan sa x-rays ay kapansin-pansin din ang pagiging arogante ng ilan sa kanila.

Kailan lang ay naiulat natin na isang pribadong airport diyan sa probinsya ng Aklan ang madalas ireklamo ng mga dumaraang pasahero dahil sa hindi makatarungang pagpapahubad nila sa mga suot na belt at sapatos ng mga piloto at flight attendants ng ilang airline companies diyan.

Hindi rin nakaligtas sa kanila ang mga uniformed personnel ng ilang government agencies na dumaraan sa kanilang balwarte. Common sense lang, paano magiging flight risk ang mga taong pinaghuhubad nila ng sapatos at belt samantalang hindi naman sumasampa sa eroplano ang mga government employees na ito maliban sa mga Piloto at FAs? Imposible namang ipahamak nila ang kanilang sarili kung sila ay magdadala ng mga bagay na ikasasawi nila.

By the way, may mga nagsasabi na ina-angasan at sinisinghalan pa raw ng mga screening officers ang mga pasahero kapag hindi agad sumunod sa mga instructions nila. That is only in the Philippines1

Ewan din natin kung dala ba ito ng kanilang pambu-bully upang masabi na sila ang mga siga sa airport. O sadyang may “attitude” lang ang mga OTS diyan sa pribadong airport na yan?

Kung sabagay wala nang subject ang mga schools ngayon tungkol sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) kaya hindi nakapagtataka na mahirap ng turuan ang mga grumadweyt sa mga panahong ito.

Since nag-reshuffle naman ng mga tauhan nila ang Office of Transportation Security base na rin sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Sec. Jimmy Bautista, bakit kaya hindi na lang isabak sa NAIA ang mga Screening Security Officers diyan sa private airport sa Aklan at baka sila ang makapagpatino sa sistema sa NAIA.

Without their bad attitude siyempre!

PWP FOR SALE

Samantala, tungkol naman ito sa sinasabing talamak na red tape sa Cebu District Office ng BI.

Ayon sa sumbong, inoobliga raw ngayon ng ilang opisyal sa BI Cebu ang lahat ng Chinese national na mag-apply ng Provisionary Working Permit (PWP) bago mag-apply naman ng Alien Employment Permit (AEP) sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Nabatid na hindi naman obligado mag-PWP kung may 9G visa na sila.

Kaya lang sila inoobliga dahil may P4,000 silang nabubulsa kada PWP application.

Marami umanong ginagawang maling proseso sa Cebu BI na hindi naman kailangan dahil na rin sa pera.

Sakaling ma-grant ang 9G visa ay hindi pa rin ito agad inire-release kung wala namang padulas na P2,500 para sa implementation ng visa sa passport.

May additional P2,500 pa para naman sa implementation ng visa sa passport at karagdagang P2,000 din para naman ma-release ang ICard ng approved visa.

Sa kabuuan ay tumataginting na P15,000 kada isang Chinese national ang kanilang nahuhuthot at kung 20 Chinese ang nag-apply kada araw, ibig sabihin mayroon kaagad silang P300,000 a day o P6 million sa loob lamang ng 20 working days ng isang buwan.

Sarap talaga magtrabaho sa BI, daming Bad Influence!