Default Thumbnail

Malagim na pinsala ng Residential Schools

July 30, 2022 Magi Gunigundo 609 views

Magi GunigundoMALIWANAG ang mga aral sa malagim na pinsala na tinamo ng mahigit 150,000 batang katutubo sa Residential Schools (RS) ng Canada mula 1880 hanggang 1996.

Kahit mga misyonerong Kristiyano, na karamihan ay Katoliko, ay daig pa ang pagano sa paggawa ng masama sa mga bata. Dokumentado ang talamak na abusong pisikal, mental, ispirituwal at pagsasamantalang sekswal ng mga tagasunod kuno ni Kristo. Mahigit 6,000 bata ang namatay sa gutom, sakit, at pangbubugbog nila.

Dahil hindi ito tsismis, dalawang beses nang humingi ng kapatawaran si Papa Francisco sa mga katutubo ng Canada ( Marso 2022 sa Vatican City, at nito lamang Hulyo 25,2022 sa Maskwacis, Canada). Ang Papa ay nagsabing ”I am deeply sorry. The forced assimilation of native people into Christian society destroyed their culture, severed their families and marginalized generations. This disastrous error is incompatible with the Gospel and requires more investigation and healing. I humbly beg forgiveness for the evil committed by so many Christians against indigenous people of Canada.”

Ang RS ay itinatag ng pamahalaan pederal ng Canada at pinamahalaan ng mga misyonerong Kristiyano (Katoliko, Anglikano, Metodista, Presbyterian, United Church of Canada) upang turuan ng 4Rs (Reading , Writing, Arithmetic, at Relihiyong Kristiyano) ang mga batang katutubo para mapagaan ang kanilang pakikisalimuha sa lipunan ng mga puting dayuhan. Ang hangarin na gawing Kristiyano ang mga pagano ay naghatid ng malalim at pangmatagalang pinsala sa buhay , kultura at wika ng mga bata na walang naranasang pag-ibig ni Kristo.

Inalisan ng RS ng pagkakilanlan bilang katutubo ang mga batang natirang buhay. Hindi sila lubos na katutubo sa isip at diwa, at hindi rin sila tanggap sa pamayanan ng mga puti dahil sa kulay ng kanilang balat. Sanhi ito ng suliranin tulad ng kawalan ng trabaho, at pagkasugapa sa alak at droga sa mga reserbasyon sa Canada.

Pagsapit ng tamang edad, ang mga batang katutubo ay sinisilo at ihihiwalay sa kanilang mga magulang. Pagdating sa RS na napakalayong lakbayin sa kanilang tribo, paghuhubarin ang bata ng katutubong damit at ipapasuot ang uniporme na pang kanluran. Kung hindi maibaybay ang pangalang pagano ng bata sa alpabetong English o Pranses , bibigyan siya ng bagong pangalang Kristiyano sapagkat ang pangalan orihinal ng bata sa katutubong wika ay marumi at hindi dapat bigkasin ng sibilisadong dila ng mga puti . Para sa mga batang lalaki, gugupitin ang kanyang mahabang buhok. Tradisyon ng mga katutubo ang magpagupit ng buhok bilang tanda ng pagluluksa.

Mas malapit na kaanak ang namatay, mas maikli ang gupit. Kaya’t maraming bata ang nagtatanong sa sarili kung namatay ba ang kanyang magulang.

Habang nasa RS, walang bakasyon ang mga bata. Maraming taon ang palilipasin bago sila pauwiin. Bawal din sumulat sa magulang. Samakatuwid, walang masumbungan ang bata sa pang-aabuso sa kanya.

Ang wikang gamit sa pagtuturo sa RS ay English o Pranses lamang. Bawal magsalita o magsulat sa unang wika ang bata. Kapag nilabag ang patakarang ito: sampal, batok, suntok, gulpi, kinakadena parang hayop at kinukulong ang bata. Araw-araw ang paghamak at panlilibak sa katutubong wika , kultura at paganong pagsamba.

Dahil sa matinding reklamo sa kasamaan ng RS , iniluwal ang Indian Residential School Settlement Agreement noon 2007. Pormal na humingi ng patawad ang Prime Minister ng Canada noon 2008 at $1.9 B kompensasyon ang ipapamahagi ng pamahalaang pederal para sa mga biktima ng RS. Ang September 30 ng bawat taon simula 2021 ay tatawagin National Day for Truth and Reconciliation bilang pagpupugay sa mga biktima ng RS.

Sa 2015 final report ng Truth and Reconciliation Commission, lumabas ang mga sumusunod na konklusyon: walang layon para sa edukasyon ang RS; ang 4Rs kurikulum ay mahinang uri, walang respeto sa mga katutubo at tinaguyod nito ang palagay na ang mga katutubo ay bobo, at walang kwenta ang kultura at wika nila; walang patakaran ng mga kwalipikasyon ng guro sa RS at ang mga nagturo ay kulang sa kwalipikasyon na taglay ng mga guro sa ordinaryong paaralan; ang mga bata ay walang nakuhang mahusay na edukasyon sa RS para magtagumpay sa katutubong pamayanan at sa mundo ng paggawa.

Malaki rin ang pinsalang dinulot ng patakaran ng pagbabawal ng mga unang wika ng bata sa edukasyon sa Pilipinas. Winasto ito ng sambayanang Pilipino sa 1987 Konstitusyon na sinunod ng K to 12 law noon 2013. Kung konstitusyonal ang patakarang MTBMLE na hinuha ng Korte Suprema sa Cotescup v Sec of Education (2018), ang panukalang gamitin lang ang English sa edukasyon ( na kaparehas ng masamang RS), na kabaligtaran ng MTBMLE , ay tiyak na salungat sa Konstitusyon.

AUTHOR PROFILE