Default Thumbnail

Alagad ng Diyos o alagad ng mga pulitiko?

July 29, 2022 Allan L. Encarnacion 493 views

Allan EncarnacionNAKABALIK na kami sa pisikal na pagsisimba nitong nakarang Linggo matapos ang mahigit dalawang taon na online mass.

Bago pa ang pandemic, toxic na ang pakiramdam ko sa pagsisimba dahil hindi na healthy ang tingin ko sa uri ng paghohomilya ng ibang pari. Bukod sa Sunday mass, regular akong nagsisimba sa umaga bago mag-jogging.

Halos araw-araw sa mga alas-6 ng umaga kasi hindi masyadong toxic ang sermon at kasabayan mo iyong mga matatanda na naka-belo kaya peaceful environment.

Ang naging problema ko sa pagsisimba sa mga Sunday masses, nawawala ang konsentrasyon mo sa pagdarasal dahil ang ibang pari, naging bisyo na ang pagtira sa gobyerno, pagbanat sa mga pulitiko at pagwawangis sa pamahalaan bilang impiyerno.

Lalo na nitong nakaraang bago sumapit ang 2022 election, wala kang maririnig sa ibang pari kung hindi tirahin ang mga hindi nila kandidato. Ganyan din ang ginawa nila noong 2016. Kaya siguro pinatalo ng Panginoon ang kanilang mga kandidato para mauntog sila sa ginagawa nilang kamalian sa pulpito.

May mga paborito akong pari mula pa pagkabata. Palagi kong hinahanap iyong pari na ang preaching ay makapagbibigay ng inspirasyon sa mga nagsisimba. Naalala ko iyong kuwento ng yumaong si Father Sebastian ng Banal na Sacramento Parish sa Talipapa, Novaliches noong 1980s. Iyon daw bata na nangarap makapagsuot ng pantalon dahil mula raw kinder, shorts palagi ang suot niya. Nang mag-grade 3, naibili siya ng pantalon ng kanyang ninang.

Sinabihan daw ang nanay na putulan ng 3 inches ang laylayan, hindi agad nagawa ng ina dahil busy, sinabihan din ang kanyang ate na putulan ng 3 inches.

Nang makasalubong ang lola, sinabihan din na kung maari ay putulan ng 3 inches ang kanyang pantalon. Kinabukasan nang isusuot na ng bata, nag-iiyak, naging shorts ulit ang kanyang pangarap na pantalon dahil lahat ng sinabihan niya, pumutol ng tig-3 inches! Sabi ni Father Sebastian, importante rin ang marunong maghintay at huwag iba-iba ang kinakausap sa isang bagay na gusto mong mangyari.

Anyways, balik tayo sa misa. Dahil nga nawala ang physical mass, naging online na palagi ang nakagawian naming mula pandemic.

Ang naging problema ko naman, kahit pandemic na, iyong ibang pari, pulitika pa rin ang nasa isip sa tuwing nagsesermon kahit online kaya iniwasan ko rin ang mga Filipino priests. Doon na kami nag-virtual mass sa Daily TV Mass na mula pa sa Canada.

Bukod sa pamumulitika ng Pinoy priest, pinagkakakitaan na rin ang mass online dahil may mga advertising na rin sila. Okey lang sana ang kumita sa mass sa tulong ng ads, ang problema, ang sama ng pasok ng mga advertising kasi itatapat sa pagitan ng mga first reading, 2nd reading, gospel at. homily. Kaya sa halip na nagdarasal na ang nakapokus sa misa online, papasok ang kung anu-anong patalastas.

Parang mga walang common sense sa parte ng simbahan at ng ad agency. Hindi man lang ilabas ang ads before at after ng mass. Ang paglalabas ng mga ads sa pagitan ng misa ay isang malaking pagkakamali na lalong nagkakasala ang mga nagmimisa dahil sa asar!

Ngayong nagbabalik na tayo sa normal na pagsisimba, nananawagan tayo sa mga pari na umakto bilang mga totoong alagad ng Diyos at hind alagad ng kung sinu-sinong pulitiko para ganahan naman ang mga tao na bumalik sa simbahan!

[email protected]