Default Thumbnail

‘Magpagawa na lang tayo ng kanya-kanyang kalye’

November 16, 2023 Joey C. Papa 152 views

JoeyIto ang naibulalas ng isang babaeng kawani ng pamahalaan kaugnay ng mainit na isyu ngayon sa kung sino lang ang mga dadaan sa Edsa bus way. “Kung ganyan din lang na may mga puwede at hindi puwedeng dumaan sa bus way, magpagawa na lang tayo ng kanya-kanyang kalye!”

Ayaw ipabanggit ng ginang ang kanyang pangalan at baka siya naman daw ang ipatawag sa Senado at para na rin sa kanyang kaligtasan. Maraming ‘umanong nangyayaring krimen ngayon at ang mga sinabi niya ay personal lang naman niyang opinyon.

“Kahit nga luma at bulok na ang ilang parte ang kotse ko, pilit ko pa ring inaalagaan. Wala naman akong pambili ng bago! Naku, milyon ang presyo ngayon ng bagong kotse! Namana ko lang ‘tong ginagamit ko ngayon,” paliwanag ng ginang.

Pumutok ang isyu ng Edsa bus way at ng mga sasakyang bawal dumaan dito. Bus lang dapat ang puwedeng dumaan sa lane na ito kaya nga may salitang bus. Pinangunahan ng MMDA ang pagpapatupad nito.

Mataas ang multa. Libong piso!

Sumunod ay puwede nang dumaan ‘umano ang ambulansya, sasakyan ng mga pulis, ilang mga opisyal ng bansa. Nagkaroon na ng dagdag?

Ang matindi, maraming dumadaan na hindi bawal dumaan tulad ng mga motorsiklo, taxi, at kotse.

Nagkahulihan na ngayon. Kahit nagkakahulihan, marami para ring pumapasok sa Edsa bus way.

Ang ibang lumulusot na sasakyan ay nakikipaghabulan pa sa mga MMDA traffic enforcer.

Ang problemang ito ay dahil sa matinding krisis pantrapiko sa buong Kamaynilaan lalong lalo na sa Edsa at C-5 at iba pang mga lugar.

Maging ang Nlex ar Slex ay matagal na ring kasama sa may matinding daloy ng trapiko.

Masarap na lang dumaan sa mga nabanggit na lugar tuwing araw ng Linggo.

Wala ka nang gagawin sa araw ng Linggo kundi mamasyal o magpahinga na lang sa bahay at sasabak na naman sa trabaho sa susunod na araw ng Lunes.

Bakit nga naman may special bus lane? Marami raw makikinabang na mga pasahero na makarating sa kanilang paroroonan lalo na sa mga trabaho.

Tiyak nga lang ba na ang lahat nang nakasakay sa bus ay papunta ng trabaho?

Ang mga nakasakay sa mga pribadong sasakyan na makikita sa Edsa ayon sa aking obserbasyon ay 90% papuntang mga trabaho ang mga nakasakay. Wala na kasing sumasabak ng umaga sa Edsa kung ang sasakyang pribado ay mamamasyal lang. Magpapatanghali ang mga ito upang upang palipasin ang masikip na daloy ng trapiko.

Ang tunay rin namang isa sa problema ay ang patuloy na pagdagsa ng bilang ng mga kotse, bus at motorsiklo. Parang galit sila pera! Bili ng bili ng mga sasakyang mamahalin pa kahit wala namang mga garahe at igagarahe na lang sa mga kalsada nap ag-aari ng Estado! Sinuswerte sila!

Importasyon, importasyon! Yan ang drama mula pa noong panahon ng liberalization.

Kailan ay lang ay may nangyaring sunog sa Meycauayan. Isa sa mga binanggit ng reporter ng isang news program ay ang hirap ng pagpasok ng mga trak ng bumbero sa makikitid nang kalye na may mga nakaparada at nakagarahe pang mga sasakyan. Hindi na tayo nadala!

Kailangang kumilos na ang mga lokal na pamahalaan. Dekada na ang problemang ito na tuwing may sunog sa mga komunidad ay hindi makaraan ang mga trak ng pamatay-sunog.

Sa halip na makapagligtas ng mga tao at ari-arian ay abo at usok na lang natitira sa mga nakaligtas.

Mahirap bang imemorize ‘yan?

Gising, gising, gising!

AUTHOR PROFILE