Crime

Mag-utol binaril ng ex-pulis; 1 patay

May 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 260 views

PATAY ang isang 45-anyos na magsasaka habang sugatan naman ang nakababatang kapatid nito matapos na barilin ng dating pulis sa tapat ng kanilang bahay nitong Lunes ng gabi sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay Police Lt. Col. Emil Pajarillo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 2, ang nasawi ay residente ng Escoting Diadi, Nueva Vizcaya.

Isinugod naman sa pagamutan ang 36-anyos na kapatid na lalaki nito na nagtamo ng tama ng bala sa hita.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek, dati umanong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at nakatalaga diumano dati sa Santiago City Police Office at residente ng Santiago City.

Batay sa ulat ng PNP, naganap ang insidente dakong 7:00 ng gabi (Mayo 22) sa tapat ng bahay ng magkapatid.

Kakauwi lamang umano ng magkapatid mula sa kanilang taniman ng mais nang pagbabarilin sila ng suspek na noon ay nakaabang na sa kanilang pagdating.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang suspek sa hindi pa matukoy na direksyon sakay ang isang Grand Starex van na kulay gray.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ay mayroon umanong dating “alitan” sa lupa ang suspek at mga biktima dahil sinasabing magkatabi lamang ang kanilang taniman ng mais sa lugar.

Kaugnay nito, inalerto narin ang bawat himpilan ng pulisya sa mga bayan at probinsya na posibleng pagtaguan ng suspek.