Default Thumbnail

Mag-inang ‘gun runner’ tiklo sa Kyusi

July 15, 2022 Melnie Ragasa-limena 224 views

INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. Gen. Remus B. Medina ang pagkakaaresto ng mag-inang “gun runners” at isa pang kasama nito sa isinagawang buy-bust operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon City Field Unit (QCFU) Huwebes ng gabi sa Quezon City.

Batay sa ulat ng CIDG-QCFU sa pamumuno ni P/Lt. Col. Manolo Salvatiera, ang inang suspek ay 37-anyos samantala ang anak nito ay nasa 22 taong gulang at isang lalaking suspek na nadakip rin ay parehong residente ng Sitio Belmonte, Bgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng CIDG-QCFU dakong 10:00 p.m., Hulyo 11, 2022, hinggil sa ilegal na pagbebenta ng baril ng anak na suspek.

Nakipagkita ang isang operatiba ng CIDG-QCFU na nagpanggap na poseur buyer sa suspek at inaya niya ito sa kanilang tahanan na kung saan ay natagpuan nila roon sina ang isang lalaking suspek at ina nito habang nasa “shabu session”.

Matapos ang matagumpay na pagbili ng baril sa suspek, kaagad itong dinakip ng mga operatiba at nakumpiska ang isang caliber .38 revolver na walang serial no., ang buy-bust money, limang sachet ng shabu na nagkakahalangang P5,000, at mga drug paraphernalia.

Ayon pa sa imbestigasyon, ang mga naarestong suspek ay miyembro ng “Jerico Group” na sangkot sa gun running, gun-for-hire at pagbebenta ng ilegal na droga o pakikipagpalitan ng iba’t-iba klase ng baril sa ilegal na droga sa iba’t-iba bahagi ng Quezon City.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Malugod kong binabati ang buong CIDG-QCFU sa kanilang matagumpay na operasyon. Asahan po ninyo na magpapatuloy ang ganitong klase ng mga operasyon upang matigil ang pagbebenta ng ilegal na baril na madalas ay sanhi ng krimen,” saad ni P/Brig. Gen. Medina.