Default Thumbnail

Call center agent patay sa silver cleaner

July 15, 2022 Jonjon Reyes 536 views

HALOS dalawang botelya na panglinis ng alahas o silver cleaner ang nakita sa tabi ng bangkay ng isang 32-anyos na call center agent nang matagpuan ito sa tinuluyang hotel sa Quiapo, Maynila, Huwebes ng gabi.

Nakahundasay ang wala nang buhay na dalagang biktima ng madatnan ng mga awtoridad na hinihinalang nagpatiwakal at nabatid na nakatira ito sa Barangay San Miguel, Taguig City.

Base sa ulat na isinumite ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section kay P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco, MPD Director, bandang 6:45 ng gabi nang madiskubreng patay ang dalaga sa isang hotel sa panulukan ng A. Bautista at Arlegui St. sa Quiapo.

Nauna rito, nagcheck in ang biktima na siya lamang at walang kasama, pasado alas 3:50 ng hapon at sinabi nito sa desk officer na limang oras lamang umano itong mananatili sa silid.

Makalipas ang halos tatlong oras, nang makatanggap ng tawag ang duty desk officer ng hotel mula sa nakababatang kapatid ng biktima at ipinakita nito sa video ang dalaga na sinasabing “I love you mama, papa at sa mga kapatid nito”.

Dahil dito, agad na nagpunta ang isa pang kapatid ng biktima at nakipag-ugnayan ang desk officer sa kaniyang supervisor na inasistihan naman ng security guard, kasama ang isang room boy.

Pagdating nila sa pinto ng inupahang kuwarto ng biktima, kinatok nila ang pinto at nang walang nakuhang tugon ay gumamit na sila ng duplikadong susi at bumungad ang bangkay ng dalaga katabi ang dalawang botelya ng silver at gold cleaner.

Ayon sa kapatid ng biktima, nagtangka na umanong magpakamatay ang dalaga dati.

Agad namang rumesponde ang MPD Homicide Section kasama ang mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (MPD-SOCO) sa pangunguna ni P/Lt. Rex Manlansing matapos na ipinagbigay alam ng Palanca PCP (Police Community Precinct) ang nangyaring insidente.

AUTHOR PROFILE