Default Thumbnail

Mag-imbentaryo bago bumoto kay kapitan

April 24, 2023 Allan L. Encarnacion 293 views

Allan EncarnacionKUNG hindi na pipigilan ng Korte Suprema, ang barangay election ay gaganapin na sa Oktubre 30, 2023.

Nanawagan tayo sa ating mga kababayan na bago kayo bumoto ng inyong mga barangay leaders, puwede bang umikot-ikot muna kayo sa inyong mga komunidad?

Magsagawa muna kayo ng inyong imbentaryo kung ang mga kasalukuyang lider ba sa inyong lugar ay maayos na nakakapaglilingkod sa inyo.

Puwede kayong gumawa ng check list ng mga gusto nyo sanang gawin ng inyong mga barangay para maging basehan ng inyong pagboto.

Palagi nating sinasabi na ang barangay ay isang maliit na republika. Ang barangay ang pinakamaliit ng pamahalaan na dapat maging sukatan ng ating mga botante.

Halimbawa ng check list ay ganito: Korap ba sila kapitan at sila kagawad? Sila kapitan at mga kagawad ba ang dahilan kung bakit marumi ang aking paligid? Ang mga krimen ba sa aming barangay katulad ng holdapan, pasugalan, akyat-bahay, pagtutulak ng droga, paglipana ng mga adik ay malubha dahil sa kapabayaan nila kapitan at barangay kagawad? Ang mga kanal, waterways at mga bangketa ba sa aming barangay ay malinis? Ang mga obstruction ba gaya ng mga illegally parked na sasakyan, tricycle, kulungan ng manok, kulahan ng labada, mga tolda, mga kariton, junkshop at mga sirang gulong ay inaaksiyunan ba nila kapitan at kagawad? Ang mga anak at kamag-anak ba nila kapitan at mga kagawad ang pasimuno ng krimen at mga masasamang bisyo sa barangay? Ang jumper ba ng kuryente, nakawan ng tubig at “paihi” ng mga gasolina ay pinagkakakakitaan ba nila kapitan at mga kagawad? Ang mga patupada, pasakla, monte, jueteng, loteng at bola-alai ay pag-aari ba nila kapitan at mga kagawad? Si kapitan ba at ang kanyang mga kagawad ang nagpapaupa sa mga squatters at mga illegal settlers sa inyong lugar? Sila kapitan ba at sila kagawad ay mas madalas nakatambay sa tagayan kaysa sa barangay hall? Sila kapitan at mga kagawad ba ang may-ari ng mga beerhouse, prostitution den at drug den sa inyong mga lugar? Nangongotong ba sila kapitan at mga kagawad sa mga illegal slaughter house at mga vendor sa sumasakop sa inyong mga bangketa? Kapag may kalamidad ay nakikita nyo ba si kapitan at ang inyong mga kagawad na nangunguna sa relief and rescue operations? Kapag hatinggabi ba habang kayo’y natutulog ay nabalitaan nyo bang umiikot sila kapitan at mga kagawad kasama ng mga tanod para bantayan ang inyong komunidad laban sa mga kriminal?

Mga ilang tanong lang yan mula sa akin pero tiyak na mas marami kayong dapat itanong kung kayo mismo ang nakatira sa mga barangay na sangkatutak ang problema.

Kung hari ng kawalanghiyaan at korapsiyon at sobrang baboy ng inyong paligid, walang dahilan para iboto nyo ba ang inyong mga kasalukuyang barangay officials. Kung ako sa inyo, sweep or lahatin nyo ang pagpapalit ng barangay leaders kung talagang kailangan para makasubok naman kayo ng bagong maglilingkod sa inyo.

Pero kung sa tingin nyo naman ay matino si kapitan at mga kagawad, aba’y huwag din kayong maging maramot sa pagbibigay sa kanila ng isa pang pagkakataon.

Sana lang, huwag nyong kalimutang mag-imbentaryo ng kanilang mga ginawa at mga hindi ginawa bago kayo magdesisyon. Ang bottomline, kung ako ang huhusga, sobrang kaawa-awa ang ating mga komunidad dahil sa dumi, dami ng kriminal, kahit saan may basura at obstruction ang ating paligid. Imagine, 42,000 ang barangay kapitan sa atin sa buong bansa, kung ang lahat lang ay totoong maglilingkod, wala akong nakikitang dahilan para maging impiyerno sa dumi ang maraming lugar sa atin.

[email protected]