Default Thumbnail

Driver’s license card

April 24, 2023 Marlon Purification 244 views

Marlon PurificationNANAWAGAN si Senador Christopher “Bong” Go sa Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) na magtulungan at tugunan ang kasalukuyang kakulangan ng mga plastic driver’s license cards sa bansa.

Binigyan-diin ng senador ang pangangailangan ng agarang solusyon para maibsan ang pasanin ng mga motorista na nahihirapan na sa iba’t ibang suliranin.

Sa isang ambush interview pagkatapos na maghatid ng tulong sa mga mahihirap sa Cabarroguis, Quirino noong Sabado, Abril 22, iginiit ni Go ang pangangailangan ng gobyerno na asahan ang anumang posibleng kakulangan sa supply ng mga card at makahanap ng paraan upang makapagbigay ng mas mahusay at napapanahong serbisyo sa publiko.

“Alam n’yo tayong nasa gobyerno, unahin po natin ang comfort ng bawat Pilipino. Huwag n’yo pong pahirapan. Dapat po na-anticipate na kung magkakaroon po ng shortage ng supply ng card,” sabi ni Go.

“Eh, nagbabayad naman po ang Pilipino. Bakit bibigyan ng papel? Bakit papahirapan? Gawan po dapat ng paraan.Solusyunan dapat ang problema at huwag ipasa ang burden sa ordinaryong Pilipino,” dagdag nito.

Nagpahayag ng pagkabahala ang senador sa mga posibleng abala sa pag-iisyu ng mga pansamantalang lisensya na nakabatay sa papel, lalo na’t sa kalaunan ay kailangan ng mga may-ari ng lisensya na bumalik muli sa LTO para lamang mapalitan ang mga ito.

“Kaya nga po noong panahon ni dating Pangulong Duterte ginawang five years na po ang validity ng ating (driver’s license) card at kapag wala kang violation ay maaaring maging 10 years po ito. Ibig sabihin para hindi na po pabalik-balik ang mga kababayan natin na pumunta ng opisina at pumila doon sa LTO. Ngayon kung papel po ang ibibigay sa kanila, eh papabalikin n’yo na naman po ang mga driver,” paliwanag nito.

Pinaalalahanan din ng senador sa LTO at DOTr na ang kanilang trabaho ay magbigay ng mahusay na serbisyo publiko, lalo na sa mga driver na maaaring nahihirapan na sa pinansiyal na pasanin ng kanilang trabaho.

“Trabaho po natin sa gobyerno na pagserbisyuhan po ang ating mga kababayan, lalung-lalo na po ang mga driver na maiistorbo po ang kanilang araw ng pamamasada sa kakapila para kumuha ng lisensya,” aniya pa.

“At ngayon kung papel ang ibibigay, paano kung umulan, nasa bulsa nila ‘yan eh nabasa, napunit tapos kapag hinuli ng pulis, panibagong problema na naman. Sasabihin walang plastic card. Kawawa naman po ang mga drivers natin na mahirap. Huwag pong pahirapan,” giit ni Go.

Ayon sa LTO, inaasahang 147,000 plastic cards na lamang ang natitira at sapat lamang para ma-accommodate ang demand para sa buwan ng Abril sa lahat ng sangay ng LTO sa buong bansa.

Naglaan na ang ahensya ng badyet na P249 milyon para sa pagbili ng 5.2 milyong plastic cards para sa taon, ngunit ang proseso ng pagbili ay naiulat na sinalanta ng mga pagkaantala.

Dahil dito, hinimok ni Go ang mga ahensya ng pamahalaan na magtulungan at maghanap ng solusyon sa kasalukuyang isyu sa halip na sisihin ang isa’t isa at magdulot ng karagdagang pagkaantala.

“Ako po ay nakikiusap sa inyo bilang miyembro po ng Committee on Public Services. Ayusin po ang dapat ang trabaho para naman po mabigyan ng maayos na serbisyo po ang mga tsuper, ang mga drivers natin na isang kahig, isang tuka,” apela ni Go.

Sa ganang akin, dapat seryosohin ng DOTr at LTO ang problemang ito dahil bukod sa maraming motorista ang maapektuhan, sumasalamin din ito kung anong klaseng pamumuno mayroon ang mga naturang ahensya.