Madrona

MAG-FOCUS SA ACHIEVEMENTS NI FRASCO, DOT

July 9, 2023 Mar Rodriguez 230 views

FrascoMadrona: Tingnan ang mga nagawa ni Frasco, DOT upang isulong ang turismo sa PH, dumami ang mga turista

PINAYUHAN ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang publiko, partikular na ang mga kritiko, na huwag lamang nilang tingnan ang kontrobersiyang kinasangkutan ng Department of Tourism at sa halip ay mag-focus sa mga magandang nagawa ng ahensiya tulad ng pagpapaunlad mismo sa turismo ng bansa.

Idiniin ni Madrona na ang pag-asenso ng turismo ng Pilipinas ay dahil na rin sa mahusay na pamumuno at pamamalakad ni DOT Sec. Maria Christina Garcia Frasco.

Sinabi rin ni Madrona na sa kabila ng tourism slogan fiasco, patuloy pa rin ang magagandang adhikain ni Secretary Frasco na maisulong ang Philippine tourism sa international community.

Dagdag pa ni Madrona na hindi dapat husgahan ng publiko at ilang kritiko si Frasco, at sa halip ay tingnan na lamang aniya nila ang magandang record at hindi matatawarang achievements ng DOT mula ng manungkulan si Frasco kung saan, aniya, napakaraming dayuhang turista ang dumagsa sa Pilipinas.

Ipinunto rin ni Madrona na humingi na rin ng paumanhin si Frasco dahil sa pangyayari. Dagdag niya na hindi na dapat palakihin ang nasabing kontrobersiya dahil kung tutuusin ay patuloy ang pagsisikap ng Kalihim upang pagandahin ang turismo ng Pilipinas na inilalarawan sa “Love the Philippines” slogan.

Nauna ng ipinahayag ni Madrona na buo pa rin ang tiwala at kompiyansa ng karamihan ng Pilipino at mga opisyal ng gobyerno para kay Frasco. Dagdag pa ng mambabatas na napakaliit lamang ng usaping ito kumpara sa napakaraming achievements ng DOT.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi ang kapalpakan sa slogan ng DOT ang dapat tututukan ng publiko kundi ang napakaraming bagay na nagawa ni Frasco para mai-promote ang Philippine tourism sa international community na naging dahilan para dumagsa sa Pilipinas ang napakaraming dayuhan.

AUTHOR PROFILE