Default Thumbnail

LTO itinakda P300 cap sa medical exam fee

May 22, 2023 Jun I. Legaspi 154 views

ITINAKDA ng Land Transportation Office (LTO) sa P300 ang maximum na halaga ng medical examination “fee” na sisingilin ng mga accredited na medical clinic o health facility para sa aplikasyon ng student permit at driver’s license.

Alinsunod ito sa nilagdaang Memorandum Circular ni LTO Chief Jay Art Tugade bilang tugon sa mga hinaing kaugnay ng mataas na halaga ng medical examination na isa sa mga pangunahing requirement sa pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.

“Hindi po natin maisasantabi ang maraming reklamo kaugnay ng sobrang mahal ng pagkuha ng medical certificate na ang iba ay nagbabayad ng P500 hanggang P700. Mabigat na ang halaga na ito para sa ating mga ordinaryong mamamayan,” punto ni Tugade.

Ayon sa LTO chief, ang magiging “maximum prescribed rate” ng medical examination fee na sisingilin sa mga driver-applicant ay P300 kada transaksyon. Maaari rin aniya na maningil nang mas mababa sa P300.

Sakop ng bagong polisiya ang lahat ng LTO-accredited medical clinics at health facilities kung saan ay accredited din na doktor ang nagsasagawa ng medical, physical, optical at iba pang pagsusulit para sa aplikasyon ng student driver’s permit, bagong non-professional driver’s license, at bagong conductor’s license, gayundin sa renewal at upgrading ng lisensya mula sa non-professional tungo sa professional.

Para sa unang paglabag, maaaring maharap sa parusang suspensyon ng akreditasyon sa loob ng 90 araw at multang P10,000 ang medical clinics at health facilities na hindi susunod sa bagong polisiya.

Tatagal naman ng 180-araw na suspensyon at multang P15,000 ang parusa sa lalabag sa ikalawang pagkakataon at pagbawi na ng akreditasyon bukod pa sa perpetual o habambuhay na diskuwalipikasyon bilang accredited medical clinic o health facility para sa ikatlong beses na lalabag.

Ang direktiba ay batay sa rekomendasyon ng binuong komite na nagsagawa ng mga pag-aaral at serye ng konsultasyon upang makabuo ng makatwirang halaga ng medical examination.

Alinsunod sa Memorandum Circular (MC) 2018-2157 na nilagdaan nuong Nobyembre 27, 2018, maaaring mai-regulate at regular na ma-monitor kung makatwiran o lumalabis na ang medical examinations fees ngunit hindi nakasaad ang partikular na maximum na halaga na dapat sundin ng medical clinics at health facilities.

“Accredited medical clinics have several variances of fees and charges causing discrepancy of rates. For standardization, the LTO deemed it proper and necessary to set the specific maximum medical examination fees to be charged from driver-applicant by accredited medical clinics,” saad ng bagong MC.

Mula sa pagbibigay ng libreng Theoretical Driving Course (TDC), pagtatakda ng maximum prescribed rates para sa pagkuha ng TDC, at Practical Driving Course sa mga driving school, pinalawig na rin sa tatlong taon na validity o bisa ng rehistro ng lahat na ng uri ng mga bagong motorsiklo na 200cc pababa ang makina upang makatipid ang publiko.

“Hindi po tumitigil ang inyong LTO sa mga pag-aaral upang maihatid sa publiko ang pinabilis, pinaginhawa, at abot-kayang mga serbisyo,” pahayag ni Tugade.

Iiral ang bisa ng MC, 15 araw matapos na mailathala sa pahayagang nasyunal ang bagong polisiya o makapaghain ng sertipikadong kopya sa Office of the National Registry sa UP Law Center sa Diliman, Quezon City.

AUTHOR PROFILE