Guadiz

LTFRB nagbabala sa ‘abusadong’ PUVs

April 5, 2023 Jun I. Legaspi 326 views

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga kumpanya ng public utility vehicles (PUVs) hinggil sa paglabag sa mga umiiral na batas laban sa overloading, overcharging ng pasahe at kolorum na may katapat na mabigat na parusa.

Ang babala na ito ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III ay kasabay ng pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminal ngayong Semana Santa.

Ayon kay Guadiz, kailangang mag-ingat ang mga pasahero sa mga kumpanya ng pampubliko at pampribadong sasakyan na maaaring manamantala sa gitna ng Semana Santa lalo’t sa mga panahon na ito, mayroong mga operator o tsuper na nagsasakay ng mga pasahero na labis sa kaya nilang bigyan ng serbisyo.

Ipinaalala rin ni Guadiz na ipinagbabawal sa mga pampublikong transportasyon ang “overloading” dahil mapanganib ito sa buhay ng mga tsuper, konduktor, at lalong lalo na ng mga pasahero.

Binigyang-diin din ni Guadiz ang ilang napaulat na transport company na naniningil ng sobrang pasahe. Ayon kay Guadiz, kinakailangang sundin ng mga transport company ang inilabas na fare matrix ng LTFRB upang hindi mapatawan ang mga ito ng mabigat na multa o parusa.

Kabilang din sa mga ipinagbabawal sa batas ang ilang pribadong sasakyan na pumapasada bilang “for hire” nang walang kaukulang permiso mula sa LTFRB. Bukod pa rito ang mga kolorum o mga public utility vehicle (PUV) na pumapasada sa labas ng kanilang aprubadong ruta at mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe nang hindi otorisado tulad ng mga tourist bus na pumapasada bilang PUB (public utility bus) o mga PUV na suspendido, kanselado, o wala nang bisa ang Certificate of Public Convenience (CPC).

Kung mapapatunayang lumabag sa batas laban sa overloading, multa na nagkakahalaga ng P5,000 ang ipapataw para sa unang paglabag. P10,000 at pag-impound ng sasakyan ng 30 araw ang ipapataw para sa ikalawang paglabag, at P15,000 kasabay ng pagkansela sa CPC nito ang ipapataw para sa ikatlong paglabag.

Para sa mga PUV na mapapatunayang sobra o kulang ang paniningil, multa na P5,000 ang ipapataw sa unang paglabag, P10,000 multa at pag-impound ng sasakyan ng 30 araw para sa ikalawang paglabag, at P15,000 na multa naman kasabay ng pagkansela ng CPC para sa ikatlong paglabag.

Kung ang sasakyan naman ay mapapatunayang “kolorum”, maging bus, truck, jeep, van, sedan, o motorsiklo man ito, multa na aabot sa P1 milyon, P200,000, P50,000, P200,000, P120,000, at P6,000 ang ipapataw depende sa paglabag. Kasabay nito ang pag-impound ng sasakyan ng tatlong buwan para sa unang paglabag. Kabilang din sa ipapataw na parusa ang pagbawi sa CPC at rehistro at pag-blacklist sa nahuling sasakyan.

Para naman sa ikalawang paglabag, babawiin ang lahat ng CPC o ang buong fleet ng operator at hindi na rin bibigyan ng pagkakataon ang operator, stockholder, at director na gumamit ng anumang uri ng pampublikong sasakyan para sa operasyon nito. Ituturing din na “blacklisted” at babawiin ang rehistro ng lahat ng otorisadong unit ng naturang operator.

Habang dumadagsa ang mga tao sa mga terminal at nagmamadaling bumiyahe para sa long weekend, hinimok din ni Guadiz ang mga pasahero na obserbahan ang sitwasyon sa loob ng mga pampublikong sasakyan. Kabilang dito ang pagtiyak na nakalaan ang priority seats sa mga nakatatanda, Persons With Disabilities (PWD), at mga buntis na kababaihan. Gayundin ang pagsunod sa mga health protocol, panuntunan para sa pagdadala ng mga alagang hayop, at pag-obserba kung mayroon bang tulong-medikal at seguridad na inaalok sa terminal.

Ibinigay ni Guadiz at ng LTFRB ang mga huling paalala habang patuloy na dinadagsa ng mga pasahero ang mga terminal upang makarating sa kani-kanilang destinasyon at maranasan ang mahabang weekend.

“Let us take this opportunity to go home and reflect and assess ourselves physically, emotionally, and spiritually. However, we also encourage our dear passengers to remain vigilant and observant of certain situations that they think may violate their rights as passengers. This is to ensure that they will travel safely and right and arrive at their destinations safe and sound,” pahayag ni Guadiz.

AUTHOR PROFILE