Loren

Loren tiniyak suporta sa mga mangingisda

February 27, 2022 People's Tonight 624 views

PAGPAPALAKAS ng kabuhayan ng mga mangingisda at kanilang pamilya sa lalawigan ng Cebu ang isa sa mga prayoridad ni Deputy Speaker Loren Legarda na ngayo’y nagbabalik-Senado sa ilalim ng UniTeam Alliance.

Nangako ng patuloy na suporta ang beteranong mambabatas sa dalawang-araw niyang pagbisita sa Cebu – isa sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Odette noong nakaraang taon.

Partikular na sinadya ni Legarda ang bayan ng Lilo-an, isang fishing community na matinding tinamaan ng super typhoon.

Ani Legarda, dumapa ang kabuhayan ng mga mangingisda, magsasaka at ng kanilang mga pamilya matapos salantain ng bagyong Odette ang Cebu at malaking bahagi ng Kabisayaan.

Sakaling makabalik sa Senado, nangako si Legarda na titiyakin niyang mapopondohan ang mga programang pangkabuhayan para sa mga mangingisda na itinataguyod ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng Department of Trade and Industry.

Bukod sa pagbibigay ng fishing gear at iba pang gamit-pangisda, una nang namahagi si Legarda ng 48 reinforced reinforced surveillance pump boats sa mga bayan ng Carmen, Medelin, Pilar, Ronda, Bantayan, Dalaguete, Catmon, Alegria, Malabuyog, Santander at San Francisco. Nagkaloob din sya ng katulad na bilang ng mga bangka sa 3rd District ng Cebu province.

Maaalalang nagbigay din si Legarda ng tulong pinansyal sa iba’t-ibang bayan sa Cebu na ginamit pambili ng construction materials para sa 2,000 pamilya na nasalanta ng bagyo, food packs, solar lamps, at marami pang iba.

Sa kanyang talumpati sa League of Municipalities of the Philippines – Cebu Chapter (LMP-Cebu) tinalakay ni Legarda ang post-Odette recovery at “pandemic exit plans” ng lalawigan.

AUTHOR PROFILE