Lalaking nakikipag-inuman dedo sa pamamaril

June 2, 2022 Melnie Ragasa-limena 113 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang 40-anyos na lalaki habang nakikipag-inuman sa dalawa niyang kapitbahay sa eskinita ng Barangay Bahay Toro, Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Arnold Fabro Talino, alias “Hika”, 40, may asawa, walang trabaho, at residente ng Sitio Incenelator, Bgy. Bahay Toro, Quezon City.

Kinilala naman ang mga suspek na sina alias “Lakay”, naninirahan sa Road 18 Extension, Bgy. Bahay Toro, at alias “Tisoy”, nasa hustong gulang ng San Jose Village, Bgy. Bahay Toro, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 3:30 ng hapon, Hunyo 1 nang maganap ang insidente sa eskinita ng C San Jose Village, Bgy. Bahay Toro, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Rasul Monib, masaya umanong nag-iinuman ang biktima kasama ang dalawa pa nang dumating ang mga suspek.

Nagulat at kumaripas ng takbo ang kainuman ng biktima nang biglang maglabas ng baril ang isang suspek at pinaputukan ang biktima.

Nang duguang bumgasak si Talino ay agad na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa Quezon City General Hospital ang biktima subalit bandang 5:11 ng hapon ay binawian din ito ng buhay, ayon kay Dr. Maureen Ramitere.

Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa kaliwa at kanang bahagi ng katawan.

Masusing nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng nangyaring krimen habang patuloy pang tinutugis ang nakatakas na mga suspek.