Default Thumbnail

Lalaki naburyong, umakyat sa poste

April 9, 2024 Edd Reyes 74 views

TATLONG oras naperhuwisyo ng kawalan ng suplay ng kuryente ang mga residente at negosyante ng isang barangay, matapos umakyat sa tuktok ng poste ng kuryente ang isang lalaki Martes ng madaling araw sa Navotas City.

Napuwersang putulin pansamantala ng Meralco ang suplay ng kuryente sa kahabaan ng M. Naval St., Barangay Sipac Almacen, nang umakyat ang suspek na si alyas “Arnold,” 39-anyos at residente ng Naic, Cavite, dakong alas-2:30 ng madaling araw sa posteng kinalalagyan ng mga high tension wire sa tapat mismo ng Navotas City Hall.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, unang ini-report sa kanila ang pagwawala ng suspek subalit nang respondehan ng kanyang mga tauhan, umakyat ang lalaki sa tuktok ng poste na dahilan upang mapuwersa naman ang Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) na hilingin sa Meralco na putulin muna ang suplay ng kuryente upang hindi makompromiso ang pagliligtas nila sa suspek.

Ilang oras ding hinimok ng rescue team ang suspek na bumaba na ng poste subalit patuloy lang na tumatanggi at hiniling na makausap ang kanyang asawa.

Dakong alas-5:06 ng umaga nang matagumpay na naibaba ng mga tauhan ng Special Rescue Force (SRF) ng Navotas, Caloocan at Valenzuela ang lalaki sa tulong ng dalawang boom truck na kanilang sinakyan, kaya’t ibinalik muli ang suplay ng kuryente alas-5:19 ng umaga.

Inamin ng lalaki na kamakailan ay gumamit siya ng iligal na droga at may kinakaharap na kasong murder at frustrated murder sa Bataan at Leyte, subalit napawalang-sala na umano ito.

Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi siya makapaghanapbuhay para buhayin ang kanyang pamilya, subalit natuklasan ng pulisya na may kaso pa siyang robbery sa Malabon City.

Inisyal na kasong alarm and scandal ang isasampa ng pulisya laban sa suspek habang kinakalkal pa ang rekord ng iba pa niyang posibleng kinakaharap na kaso.

AUTHOR PROFILE