Default Thumbnail

Impostor na parak tiklo sa tunay na parak

April 9, 2024 Edd Reyes 72 views

BUKING ang 38-anyos na impostor na pulis ng hindi magbayad ng pamasahe sa bus ng mapuna ng kasakay na tunay na pulis ang kakaibang kilos at pagse-selfie pa sa loob ng sasakyan na patungong Paranaque noong Lunes.

Naghinala na si P/SSg Jeffrey Tupil, ng Division Tactical Unit ng Southern Police District (DTU-SPD), na impostor ang lalaki dahil bukod sa maling pagsusuot ng pang-itaas na athletic uniform, hindi rin siya nagbayad ng pamasahe sa bus sa Coastal Road papuntang Tambo, Paranaque alas-11:00 ng umaga.

Pagsapit sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX), dito na siya sinita ng pulis. Umamin ang lalaki na hiniram lang niya ang uniporme kaya’t dinala siya sa Police Sub-Station 2 ng Paranaque police.

Ayon kay P/Maj. Hazel Asilo, tagapagsalita ni SPD Director P/BGen. Mark Pespes, sasampahan nila ng kasong Usurpation of Authority at Illegal Use of PNP Uniform and Insignia ang suspek sa Paranaque City Prosecutor’s Office.

Pinayuhan din ni Maj. Asilo ang mga kabaro na huwag magpahiram o ipamigay ang kanilang pinaglumaang uniporme dahil may tamang paraan ng pagsuot dito.

AUTHOR PROFILE