Lalaki binaril sa ulo sa QC, patay

October 15, 2021 Melnie Ragasa-limena 120 views

DALAWANG tama sa ulo ang ikinasawi ng isang lalaki makaraang barilin ng isang lalaki na sumunod sa kanya habang papasok sa isang kainan sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Walde Jorlano Florencio, nasa hustong gulang, tubong Infanta, Quezon at pansamantalang naninirahan sa isang barung-barong sa side-walk ng Palengke sa Batasan, Commonwealth Avenue, Barangay Batasan Hills, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-6:00 ng gabi (October 13), nang maganap ang insidente sa loob ng Sandigan Batil Patong Store, na matatagpuan sa KM 18, Palengke ng Batasan, Commonwealth Avenue, Barangay Batasan Hills, QC.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Nido Gevero Jr ., nakita umano ng cashier na pumasok ang biktima sa Sandigan Batil Patong Store, at kasunod ang isang lalaking armado ng baril, naka- half-face helmet, nakasuot ng t-shirt, brown pants at face-mask.

Nagulat na lamang umano ang kahera nang biglang malapitang barilin ng dalawang beses sa ulo ang biktima ng suspek saka mabilis na lumabas ng tindahan, sumakay sa motorsiklo at tumakas.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni PLt. Reynold Tabbada, ang dalawang basyo ng ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring pamamaslang upang makilala ang salarin.