Default Thumbnail

Kuya napatay ng utol dahil sa alagang aso

December 21, 2022 Jonjon Reyes 943 views

NAMATAY habang inoobserbahan sa pagamutan ang isang 63-anyos na lalaki makaraang masaksak sa kaliwang dibdib ng kanyang nakababatang kapatid na babae dahil lamang sa alagang aso Miyerkules ng hapon sa Tondo, Manila.

Nakilala ang biktimang si Omeng, ng Favia Street, Tondo, habang naaresto ang suspek na si Roxanne, 49, hiwalay sa asawa at residente din ng nasabing lugar.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang 5:20 p.m. nang aksidenteng matarakan ng patalim ang kanyang kuya sa loob ng kanilang bahay.

Nagbigay ng salaysay sa pulisya ang 64-anyos na kuya ng dalawa. Ayon sa kanya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid dahil sa kanilang alagang aso na hindi naman idinetalye kung kanino sa kanila ang may alaga.

Nakadampot ng kutsilyo ang suspek at itinarak ito sa kaliwang dibdib ng kanyang kuya.

Mabilis na isinugod ang biktima sa Mary Johnston Hospital. Dakong 6:15 p.m. nang ideklara itong patay ni Dr.Sean Sabando, attending physician.

Pinangunahan ni Police Lieutenant Aldeen Legaspi, Block Commander ng MPD– Pritil Community Precinct sakop ng Station 1 ang follow-up operation at natimbog ang suspek.

Nahaharap sa kasong parricide ang suspek.

AUTHOR PROFILE