Default Thumbnail

Kumusta na ba ang PAL? Kaya pa ba?

May 5, 2023 Allan L. Encarnacion 1225 views

Allan EncarnacionHINDI ko alam kung ano na ang nangyayari sa Philippine Airlines management.

Hindi pa man ako nakaka-recover sa trauma ng Osaka flight cancellation ko noong February 24 na walang kahit anong notification, nadale na naman ako sa Macau.

Iyong flight na 4:10 p.m. Macau-Manila, naging 8:10 p.m. nang walang abiso.

Ganoon din ang nangyari sa Osaka flight namin. Dumating kami sa Terminal 2 para sa 10:45 a.m. flight pero nagtaka pa ang PAL crew kasi wala naman daw Osaka flight noong date na iyon. Para bang ako lang ang nag-imbento ng flight sked ko nang di nila alam.

Iyon pala, kinansela nila ang Feb 24 para ilipat sa Feb 25. Sila-sila lang ang nakakaalam, sila-sila lang ang nag-usap, kaming mga pasahero, nakatunganga.

Nitong nakaraang Thu, May 4, may Singapore flight kami ng 8:50 a.m. Wala rin kaming kaalam-alam na inilipat pala kami sa 7:30 p.m. flight. Aksidente lamang namin nalaman dahil nang mag-online check in ang isa sa kasama ko sa flight, hindi siya makapasok kasi naman pala, cancelled ang 8:50 a.m. flight kaya inilipat kami sa 730pm. Gulatan pala ito!

Hayun, nataranta na naman kami sa rebooking. Bandang huli, naging 5:55 a.m. na kami May 4. Nakalipad naman kami on time.

Hindi naman ganyan dati ang PAL na paborito kong airlines. Kahit anong bansag nila sa PAL bilang Palaging Late, hindi ako naniniwala hanggang maging series ang pagkakabiktima ko.

Marami na akong kakilala na natatakot nang magpa-book ng kanilang flight sa PAL. Ako mismo, unti-unti nang nagbabago ang tingin ko sa PAL, natatakot na tuloy ako dahil sa serye ng kapalpakan.

Katunayan, iyong flight ko kailan lang sa Hong Kong ay nag-Cathay Pacific na ako dahil kabado talaga ako sa PAL na masisira ang skedyul ko kapag sa kanila ako nag-book. On the dot, okey naman ang Cathay, umalis sa oras, bumalik sa oras.

Kung hindi magbabago ang PAL sa kanilang mga maling ginagawa at kawalan ng advance notice sa kanilang mga pasahero, baka talagang outside flag carrier na ang masakyan ko kapag paibang bansa.

Hindi ako magtataka kung marami na rin ang ganito ang damdamin dahil sa masamang karanasan nila sa PAL.

Paging Kapitan Lucio Tan, baka kailangan nang palitan ang mga namamahala bago pa maubos ang mga loyal na pasahero ng PAL.

[email protected]