Default Thumbnail

Kakulangan ng doctor at nars hindi lang problema ng DOH

May 5, 2023 Paul M. Gutierrez 473 views

PaulNABUNYAG ang matagal na nating alam na kulang na kulang ang mga doktor at nars sa bansa sa naganap na pagdinig sa Senado. Hindi na po tayo nagulat sa sitwasyong ito dahil talaga naman pong matagal nang nahaharap sa ganitong problema ang sektor ng kalusugan natin.

Tinatayang nasa 114,000 doktor at 178,000 nars ang kinakailangang dagdag para sa bansa. At taun-taon nasa 4,400 doktor at 10,700 nars ang dumaragdag o nalilikha ng bansa. Sa pagtatantsa mismo ng Department of Health, aabot sa 12 taon para sa nars at 23 taon para sa mga doktor na maabot ang kakulangan ng bansa.

Ayon kay DOH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maraming mga lisensiyadong doktor at nars ang hindi nagtatrabaho sa sektor ng kalusugan. Ayon sa datos ng Professional Regulatory Commission’s records, nasa 95,000 doktor at 509,000 nars ang mga lisensiyado.

Pero sa rekord ng DOH mayroon lamang 44,602 na doktor at 178,629 nars ang nagtatrabaho sa bansa. Ibig sabihin may mga doktor at nars ang wala sa sektor ng kalusugan. Ayon kay Vergeire, ang iba ay nasa pagtuturo, business process outsourcing, at iba pang industriya.

Kaya naman hinihimok ni House appropriations panel senior vice chairperson at Marikina Rep. Stella Quimbo ang DOH na tugunan ang sitwasyon dahil napakaraming kakulangan ang kailangang tugunan.

Pero bagamat problema ito DOH at alam nating ayaw nilang magkaroon ng kakulangan sa sektor ng kalusugan ay masasabi nating wala silang kontrol sa desisyon ng mga nagsisipagtapos ng medisina at nursing.

At alam naman nating lahat kung bakit may mga doktor na hindi pinipiling magtrabaho sa sektor ng kalusugan dahil aminin man natin o hindi ay kulang na kulang ang inaasahang nilang sahod.

Kaya kung tutuusin kung nais nating mapataas ang bilang ng mga Pilipinong doktor at nars sa bansa ay malaking usapin ang pagpapataas ng sahod sa mga ito. At nasa Kongreso kung magpapasa sila ng batas na magpapatibay para mataasan ang sahod ng mga nasa sektor pangkalusugan.

Ibig sabihin lamang po, may mas malaking magagawa ang Kongreso sa pagpapataas ng bilang ng mga doktor at nars sa bansa. Dahil kahit anong hikayat ng DOH sa mga nagsisipagtapos ng medisina at nars kung mababa lang din ang aabutin nilang suweldo ay talaga namang mas sa iba na sila magtatrabaho.

Dahil kung matitiyak nilang mataas ang suweldo sa sektor pangkalusugan ay mas makakapanghikayat sila ng mas maraming kabataang Pilipino na mag-aaral sa mga kursong ito. Mas mabilis na dadami ang magsisipagtapos at makakapagtrabaho dito. Mas mabilis na matutugunan ang kakulangan.

Pero kung mananatili tayo sa ganitong kalagayan, magtitiis na lamang ang mga Pilipino sa serbisyong pangkalusugan na meron ang Pilipinas.

Paalala lang po natin na nasa kapangyarihan po ng Kongreso na pataasin ang suweldo ng mga nasa sektor pangkalusugan at wala sa DOH. Korea!

AUTHOR PROFILE