Default Thumbnail

‘Dayaan’ sa pagpaparehistro ng botante?

May 5, 2023 Marlon Purification 397 views

Marlon PurificationNAGLABAS ng pahayag ang Commission on Elections hinggil sa umano’y talamak na pagpaparehistro ng mga ‘fake voters’ sa isang barangay sa Makati City.

Tugon ito ng Comelec sa column ni Jarius Bondoc sa The Philippine Star noong nakalipas na Miyerkules, May 3, na sinasabing masyadong kahina-hinahala ang paglobo ng bilang ng mga bagong botante sa naturang barangay.

Sa pahayag, sinabi ng Comelec na ang 3,000 ‘new voter registrants’ ay sumailalim sa maingat na pagsusuri ni City 1st District election officer Antoinette Aceret.

Ani Aceret, lahat ng bagong rehistrong botante ay nagpakita ng pruweba na residente sila ng naturang barangay.

Sinabi pa ng Comelec na mula sa 4,147 nagparehistro, ‘disapproved’ sa kanila ang 963 applications at walong SK voter applications.

Salamat at maagang nagbigay-linaw ang Comelec hinggil sa naturang isyu.

Pero hindi natin masisisi ang mga residente ng nasabing barangay na mag-alala at maghinala kung bakit biglang lumobo ang bilang ng mga botante sa kanilang lugar.

Katunayan, mismong ang incumbent barangay chairman pa ang naghain ng reklamo sa Comelec dahil kung pagbabatayan ang mga DTI documents na hawak ng pamunuan ng barangay, karamihan sa mga ID ng kompanyang ipinakita ng bagong registrants ay hindi talaga nakarehistro at peke!

Pinatutunayan din ni Chairmanna mismong DTI ang nagsabing walang nakarehistrong kompanya ng mga isinumiteng new registrants sa Comelec.

Ang report na nakarating sa mga residente ng nasabing barangay, ang bawat bagong registrant ay binibigyan umano ng P1,000 ng isang negosyanteng Chinese.

Kung ano ang pakay ng naturang Chinese ay saka natin malalaman sa mga susunod na araw.

Sa October 30, 2023 na po ang halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan.

Ngunit nagtataka ang karamihan kung bakit mula noong December 12, 2022 hanggang January 31, 2023 ay tumaas ng 78 percent ang bagong botante sa kanilang lugar.

Noong May 9, 2022 national elections, ang legitimate voters ng nasabing barangay ay 4,718 lamang; pero ngayon ay umabot na ito sa 8,415 na mga botante.

Talagang nakapagtataka, lalo’t namomonitor ng barangay ang mga bagong lipat sa kanilang lugar at kung ano pang kompanyang itinatayo sa komunidad.

May dahilan ang mga taga-barangay na manawagan na dapat ay maging mapanuri pa ng husto ang Comelec sa kanilang sumbong.

Magandang pangitain ang mabilis na paglalabas nila ng pahayag sa media dahil patunay ito na kumikilos ang Comelec sa anumang uri ng sumbong.

Ngunit mas magandang makita na mabuko at mahubaran ng maskara saka ikulong kung sino ang nasa likod ng tangkang pagpapalusot ng flying voters.

Naniniwala rin tayong ang ganitong uri ng ‘modus’ ay nagaganap na rin sa iba pang barangay.

Nagkataong maagap lamang si Chairmanna mabuko ito nang maaga.

Ang problema, halalang pambarangay pa lang ay nagkakaroon na agad ng dayaan, pano pa kaya sa mga posisyong pang lokal at nasyunal?