Default Thumbnail

ILLEGAL SABONG ONLINE TULOY NA NAMAN!

May 4, 2023 Marlon Purification 498 views

Marlon PurificationHANGGANG ngayon ay masama ang loob ng pamilya ng 34 na nawawalang sabungero dahil dalawang taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin nahuhuli ang mga taong nasa likod ng naturang kaso.

Pakiramdam tuloy nila ay ‘idini-drible’ lamang sila ng mga awtoridad hanggang sa mapagod silang mag-follow up sa kaso. Nakaka-dalawang hepe na nga naman ang Philippine National Police (PNP) ay kahit anumang development ay wala silang nakikita, nararamdaman o natatanggap.

“Nag-create ng tracking team na naman? Matagal na ang kaso ng aking anak, ngayon lang kayo nag-create ng tracking team?” Anang isang ginang nang mabalitaang panibagong grupo ang itinatag ng PNP para makaroon ng magandang resulta ang sinusubaybayang kaso ng madla.

Ang masaklap habang matindi ang kautusan ng Pangulong Bongbong Marcos na ipagbawal kailanman ang sabong online dahil dito sinasabi nag-ugat ang krimen sa 34 na nawawalang sabungero ay tuloy pa rin pala ang pamamamayagpag nito.

Bagay na data pagtuunang pansin ni bagong PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr.

Si Acorda ang ika-29 na Chief PNP ng bansa at sinasabing rekomendado ng Ilocos Group sa palasyo ng Malakanyang.

Malaking hamon para sa magaling na heneral na sugpuin ang pagsulpot muli ng illegal na sabong online na pinamamahalaan umano ng isang mayor.

Kasosyo umano nito ang isang gamefowl breeder.

Ang illegal sabong online ay pinapalabas umano via internet mapa-cellphone man, desktop o laptop.

Nabatid na mahigit kalahating taon nang namamayagpag ang nasabing illegal na sabong online, ngunit lalong pinalakas kamakailan lamang.

Kasapakat umano ng mga ito ang ilang personalidad na nasa breakaway group ng isang gambling genius.

“Pero walang sumisita kahit ipinagbawal na ang online sabong sa bisa ng Executive Order na ipinalabas ng Malakanyang kasi milyon-milyong piso ang nagpapalitang-kamay kada buwan,” sabi ng isang operatiba ng pulisya na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Nabatid na mahigit 100 ang sultadang inihahanda kada araw ng mga tauhan ng online sabong na sinasabing kadalasan ay palipat-lipat ang pinagdarausan sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ang tingin ko rito, malamang ay hindi ito alam ng Pangulong Marcos.

Ang legal na e-sabong nga, ayaw pahayagan ng Pangulong BBM, illegal sabong online pa kaya?

Tama ba ako, Gen. Acorda, Sir?