Gatchalian

Kriminal na workers sa POGOs, IGLs may kasabwat sa BI–Sen. Win

March 26, 2024 PS Jun M. Sarmiento 126 views

NAGBABALA si Sen. Win Gatchalian na maaaring kasabwat ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang pugante na nauugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na tinatawag ngayon na Internet Gaming Licensees (IGL).

Kasunod ang pahayag ni Gatchalian ng pagkakaaresto ng isang dayuhang pugante sa pasilidad ng POGO/IGL sa Bamban, Tarlac noong Marso 13.

Kabilang si Chang Chia Wei, isang Taiwanese national, sa mahigit 500 foreign nationals na nadatnan ng mga awtoridad noong ni-raid ang Zun Yuan Technology, Inc.

Sa pamamagitan ng biometrics, napatunayan ng raiding team na wanted fugitive ang nasabing Taiwanese national sa kanyang bansa.

Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng BI para sa kanyang deportasyon. Inaalam pa ng mga awtoridad ng Pilipinas ang iba pang mga dayuhang pugante na maaaring nananatili pa sa kanilang kustodiya.

Ayon kay Gatchalian, katulad din ang mga kasong ito ng “pastillas scam” kung saan pinapaluso ang mga dayuhan sa immigration counter kapalit ng pera na nakabalot sa puting papel na parang pastillas.

“Paano nakapasok sa Pilipinas ang mga wanted fugitive mula sa ibang bansa? Sadyang nalulusutan lang ba tayo o talagang pinapalusot natin, alin ang tama?” ang dismayadong tanong ni Gatchalian.

“Ang mga dayuhang manggagawa ng POGO na lumalabas na mga pugante sa kani-kanilang bansa ay karaniwan nang nangyayari sa lahat ng mga na-raid na POGO na nakita natin nitong mga nakaraang taon.

Lumalabas na bahagi sila ng organisadong sindikato ng mga kriminal. Nakakabagabag na hindi matukoy ng BI ang pagpasok ng mga pugante na ito, na nagpapahiwatig na maaaring kasabwat ng mga pugante ang ilan sa kanilang mga tauhan,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.