Koreano Ang naarestong Koreano matapos manaksak at makapatay ng aso sa Malate, Manila. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

Koreano nakapatay ng aso, kalaboso

March 12, 2024 Jonjon Reyes 114 views

AsoBINITBIT ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang negosyanteng Filipino-Korean nang manaksak at makapatay ng isang aso sa isang eatery sa Malate, Manila kamakailan.

Kinilala ang suspek na 23-anyos na lalaki na nanunuluyan sa A. Mabini Street sa Malate.

Ayon sa naunang ulat na batay sa imbestigasyon ng MPD-General Assignment Section (GAIS), bago naganap ang pananaksak at pagpatay sa aso ay pumasok ang suspek sa Super 6 Grill House upang magpatulong na linisin ang kanyang sugat sa paa matapos na umano’y kinagat ng asong gala.

Sa pagkakataong ito, ang alagang aso, si Ericka, ng may-ari ng establishment ay nakaupo naman katabi ng waiter.

Dinala ng waiter at kasamahan nito sa banyo ang Koreano upang hugasan ang kanyang sugat nang bigla itong dumampot ng kutsilyo palabas ng nasabing establishment.

Pagdating nito sa labas ay may mga aso na kumakahol sa suspek kaya naman lumabas din ang aso na si Ericka.

Nang makita ito ng suspek, dito niya napagdiskitahan at pinagsasaksak ng apat na beses na nagresulta ng agaran pagkamatay ng hayop.

Nang hindi pa makuntento ang suspek, pinagbalingan din nito ang iba pang aso kung saan isa pa ang tinamaan ng saksak bago itinapon ang ginamit na kutsilyo saka tumakbo pabalik sa palikuran.

Tiyempo namang napadaan ang mga tauhan ng Remedios Police Community Precinct kaya agad na isinumbong ang nangyring pananaksak na nagresulta sa pag-aresto sa suspek.

Bago pa man i-turnover sa MPD-GAIS ang suspek ay dinala muna ito sa pagamutan upang ipagamot at ipatingin ang kagat ng aso para sa karagdagang imbestigasyon.

Ang suspek ay nahaharap sa mga kasong malicious mischief at paglabag sa Animal Welfare Act of 1998 at Batas Pambansa Bilang 6.

AUTHOR PROFILE