Default Thumbnail

Kelot nalaglag mula 4th floor, tigok

October 30, 2023 Melnie Ragasa-limena 201 views

Nahulog o tumalon?

INAALAM pa ng mga awtoridad kung sadyang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikaapat na palapag ng gusali ng isang condominium ang 27-anyos na lalaki sa Quezon City nitong Linggo ng tanghali.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, bandang 12:05 ng tanghali ng Oktubre 29 nang madiskubre ang duguang biktima sa open basketball court na matatagpuan sa isang condominium sa Barangay Socorro sa Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Jordan A. Barbado, nagsasagawa umano ng pagroronda ang lady security guard na si Genalyn Daclan nang makarinig siya ng malakas na kalabog sa lugar.

Dahil dito, nagpasyang puntahan ng lady guard ang basketball court upang alamin kung ano ang nahulog, pero bumungad sa kaniya ang duguang nakahandusay na biktima at wala nang buhay.

Agad na inireport ng sikyu ang insidente sa mga awtoridad.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kung nahulog o sadyang tumalon ang biktima sa nasabing gusali.