Default Thumbnail

Kelot na may 3 bilang ng kasong child abuse, tiklo

October 25, 2022 Edd Reyes 271 views

ARESTADO ang 22-anyos na lalaking nahaharap sa tatlong bilang na kasong child abuse matapos isilbi ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ng hukuman laban sa kanya sa Malabon City.

Hindi na nakapalag ang suspek nang dakpin siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Catherine Therese Tagle-Salvador ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 73 dakong alas-4 ng hapon sa kanyang tirahan sa Barangay Longos ng mga tauhan ni Warrant and Subpoena Section sa pangunguna ni P/CMSgt. Edwin Castillo.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, inilabas ng hukuman nito lamang Oktubre 5, 2022 ang warrant of arrest laban sa suspek matapos maisampa sa korte ang tatlong bilang na kasong paglabag sa RA (Republic Act) 7610 na kilala bilang “Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination” na isinampa laban sa kanya.

Nang makarating sa tanggapan ni P/Maj. Patrick Alvarado, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Malabon Police ang inilabas na arrest warrant, kaagad na ikinasa ang pagtugis sa akusado na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Sinabi ni Barot na may inilaan namang piyansa na halagang P200,000 sa bawat bilang na kaso ang korte sa akusado kaya’t may kabuuang P600,000 ang dapat niyang ilagak na piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ayon kay P/SMSgt. Jessie Rebato, may hawak ng kaso, pansamantalang naka-detine sa Malabon Police Custodial Facility ang suspek habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng korte para ilipat siya sa Malabon City Jail.

AUTHOR PROFILE